Advertisers

Advertisers

7 kadete, 2 pulis sa hazing sa PNPA kinasuhan

0 2

Advertisers

PORMAL nang sinampahan ng kaso ang pitong kadete na sangkot sa hazing sa mahigit 20 kadete sa Philippine National Police Academy (PNPA) noong Abril 3.
Ayon sa PNP, paglabag sa RA 11053 (Anti-Hazing Act of 2018) ang isinampa sa pitong kadete na kinabibilangan ng limang third-class cadet at dalawang second-class cadet.
Bukod sa pitong kadete, sinampahan din ng kaso ang Tactical Officer of the Day at isang Tactical PNCO.
Isinampa ang reklamo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Office of the Provincial Prosecutor sa Imus, Cavite.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Internal Affairs Service (IAS) para sa kasong administratibong pananagutan ng mga kadete.
Nabatid sa imbestigasyon, nagtamo ng mga paso at lapnos ang mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan kabilang ang likod, binti, at maging sa maseselang parte matapos pahiran ng pinaghahalo umanong kemikal ng drain cleaner at muriatic acid.
Dahil sa pangyayari, nasibak sa pwesto ang siyam na opisyal ng PNPA kabilang ang director nitong nakaraang linggo.