Advertisers
HUMIHIRITng imbestigasyon si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste matapos umanong ma-etsapwera ang hindi bababa sa 84 barangay sa pamamahagi ng tig-P200,000 ayuda sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batangas City kamakailan.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Leviste: “Nakapag-file na ako ng resolusyon para imbestigahan ang diskriminasyon sa budget, at handa akong humarap sa anumang pagdinig kasama si Gov. Vilma at ang mga kapitan ng Batangas para lumabas ang katotohanan.”
Nauna nang ibinunyag ng mambabatas na hindi naisama ang 84 barangay sa programang “Bawat Barangay Makikinabang,” kahit malinaw ang utos ng Pangulo na lahat ay dapat makinabang. Aniya, may isa umanong kapitan ang sinabihang naisantabi sila dahil sa umano’y “tampo” ni Governor Vilma Santos-Recto, na ipinaabot umano ni Liga ng mga Barangay president Fernando Rocafort.
“Hindi ito pera ng politiko. Para ito sa tao,” diin ni Leviste, sabay babala na nasisira ang tiwala ng publiko kapag hinaharang ang ayuda. Dagdag niya, maaaring hindi ito alam ng Pangulo, pero siya ang nasasapul sa hindi pagtupad ng pangako.
Matapos lumabas ang isyu, iniulat na bibigyan na rin ng ayuda ang mga naunang naisantabing barangay. Pero ayon kay Leviste, kailangan pa rin ng pananagutan. “Dapat malinaw kung bakit sila hindi isinama,” aniya.
Tinukoy din sa resolusyon ang umano’y pagpasok ng mga middleman na nag-aalok ng pondo kapalit ng hanggang 25% komisyon—isang babala sa posibleng korapsyon sa sistema.
Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, sinabi ng mambabatas na mas epektibo ang direktang hakbang tulad ng pagsuspinde ng fuel excise tax at pagbaba ng VAT.
Iminungkahi rin niya ang direktang paglipat ng pondo sa mga barangay, katulad ng National Tax Allotment, para mas mabilis, patas, at walang pulitika ang distribusyon.