Advertisers
SINIBAK sa puwesto ang dalawang Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa Makati City dahil sa korapsyon, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Kinilala ang mga inalis sa puwesto na sina Natalia Georgianna Tupaz ng Barangay Dasmariñas Village, at Cecilia Louise Yabut ng Barangay Magallanes Village.
Ayon kay Remulla, Oktubre 9, 2026 humingi si Tupaz ng 20% “Standard Operating Procedure” o kickback para sa Halloween project mula sa isang long-term supplier ng barangay.
Sangkot din siya sa pamemeke ng pirma matapos umanong ipapirma sa kapatid ng SK secretary ang isang resolusyon Oktubre 16, 2026.
Naghain ng reklamo ang Bids and Awards Committee ng Barangay Dasmariñas laban kay Tupaz sa Sangguniang Panlungsod (SP) ng Makati, na nagresulta sa hatol na ‘misconduct’ at anim na buwan suspensyon noong Marso 23. Nag-resign siya Marso 8, ngunit hindi pa ito tinatanggap ni Makati Mayor Nancy Binay.
Inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, direct bribery, at falsification of public documents sa Office of the Ombudsman.
Samantala, ayon kay Remulla, nasangkot si Yabut sa paggamit ng pekeng pirma ng SK kagawad sa purchase request at resolusyon para sa Halloween project Oktubre 14, 2025. Aminado siyang hindi ang kagawad ang pumirma, nguni’t iginiit na may pahintulot ito at karaniwang practice na nila.
Natuklasan din ang pamemeke ng pirma ng dalawa pang SK kagawad. Dahil dito, hinatulan siya ng SP ng Makati ng misconduct at sinuspinde ng tatlong buwan simula Abril 6.
Inirekomenda rin ng DILG ang pagsasampa ng kasong falsification of public documents laban kay Yabut at sa SK treasurer sa Office of the Ombudsman. (M. Obleada)