Advertisers

Advertisers

Lacson, maghahain ng flood control progress report sa privilege speech

0 7

Advertisers

IDADAAN ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson sa privilege speech ang Chairman’s Progress Report hinggil sa flood control scandal, kapag nag-resume ang sesyon ng Senado sa Mayo.

Ayon kay Lacson, magsisilbi itong daan para maipagpatuloy ang mga pagdinig sa isyu ng flood control, dahil hindi pa rin nakukumpleto ang kinakailangang pirma para maihain at ma-sponsor sa plenaryo ang partial committee report.

“I will present it via a privilege speech entitled ‘The Chairman’s FCP Progress Report.’ At least kung privilege speech, since ayaw magpirma ng ibang members, I don’t have to consult them,” ani Lacson.



Aniya, kapag naihain na ito sa plenaryo, ang Chairman’s Progress Report na kinapapalooban ng laman ng partial report ay maaari nang ibahagi sa Department of Justice at Office of the Ombudsman.

Sa kasalukuyan, may anim pa lamang na pirma ang partial committee report hanggang Lunes kulang ng tatlo sa siyam na kailangan para ito ay maihain at ma-sponsor.



“I’ll be able to share the report and our recommendations with the Ombudsman since magiging public record na yan after I have presented it by way of a privilege speech. Sayang kasi – para mapakinabangan ang evidence kesa mapanis lang,” wika ng senador.

Samantala, itinuwid din ni Lacson si Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng panawagan nitong imbitahan si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga pagdinig ng panel hinggil sa flood control controversy.



Iginiit ni Lacson na dalawang beses nang inimbitahan si Romualdez sa mga pagdinig ng komite, alinsunod sa matagal nang umiiral na tradisyon ng inter-parliamentary courtesy sa pagitan ng Senado at ng House of Representatives ngunit hindi siya dumalo.

“Mula pa nung unang nagbukas ang Philippine Congress under a bicameral system, umiiral na ang inter-parliamentary courtesy between the two chambers,” aniya. Dagdag ni Lacson, ito ang dahilan kung bakit dinaan ng komite sa Office of the Speaker ang imbitasyon sa mga incumbent na myembro ng Kamara.

Aniya, ang tanging “exception” ay kapag kusang dumadalo ang mga miyembro ng Kamara sa mga pagdinig ng Senado, tulad ng mga kaso nina Reps. Tobias Tiangco at Leandro Leviste na humarap sa Blue Ribbon panel.

Binanggit din ni Lacson ang boluntaryong pagdalo ng dating Rep. Vicente Veloso sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs.

“Kaya nga time-honored tradition ang tawag. Hindi pa rin ba pumapasok sa bumbunan niya yun?” aniya.
Tinutukoy ni Lacson ang pahayag ni Marcoleta sa isang panayam sa radyo na nananawagang imbitahan si Romualdez, at sinabing handa nang magsalita ang dating Speaker tungkol sa isyu ng flood control.

Nauna ring binigyang-diin ni Lacson na dapat sana’y tumugon si Romualdez sa mga imbitasyon ng Blue Ribbon panel noong Nob. 14 at Enero 19, ngunit hindi ito dumalo sa alinman sa mga ito. (Mylene Alfonso)