Advertisers

Advertisers

KAPITOLYO NG BATANGAS NAWAWALAN NG 18 SASAKYAN; MGA HEAVY EQUIPMENTS NAMAN ANG NAWAWALA SA KAPITOLYO NG ORIENTAL MINDORO?

0 74

Advertisers

Nananatili umanong “unaccounted” o hindi pa rin matagpuan ang 18 nawawalang sasakyan na pag-aari ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Sa ikatlong Joint Committee Hearing ng Sangguniang Panlalawigan, lumabas na nag-ugat ang isyu sa isinagawang audit ng mga asset ng probinsya. Natuklasan sa nasabing audit na may mga sasakyang hindi naisuko matapos ang pagbabago ng administrasyon at pagreretiro ng ilang mga kawani ng kapitolyo.

Sinisiyasat na ng mga komite ng Accountability, Ethics and Good Governance, Public Works, at Oversight kung sino ang huling may hawak ng mga unit. Kasama sa tinitingnang anggulo ang posibilidad na may mga sasakyang “double-listed” o kaya naman ay na-dispose nang hindi sumusunod sa tamang proseso ng Commission on Audit (COA).

Ayon sa Sangguniang Panlalawigan, mas paiigtingin ang imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot. Inatasan na ang General Services Office (GSO) at HPG na magtulungan para sa “recovery operations” ng mga sasakyan at ang pagsasampa ng kaukulang kasong administratibo o kriminal laban sa mga indibidwal na tumatangging ibalik ang mga ari-arian ng pamahalaan.

***

Samantala matapos na mabalitaan ng mga taga Oriental Mindoro ang isyu sa 18 nawawalang sasakyan sa Kapitolyo ng Batangas ay umani din ng samut-saring reaksyon at katanungan mula sa mamamayan ang umano’y mga bagong heavy equipments ang nawawala na binili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro para sa pagpalalim sa mga kailogan at mga proyektong pangontra sa pagbaha.

Matatandaang dumating sa pantalan ng Calapan ang apat na bagong 10-wheeler dump truck, apat na regular backhoe at isang amphibius backhoe na binili noong 2023 ang HINAHANAP ngayon ng mga residente dahil papasok na ngayong Mayo ang tag-ulan at sigurado umanong makakaranas sila ng matinding baha.

Tandang-tanda umano nila ang sinabi noon ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor, na ang mga heavy equipment na binili ng Pamahalaang Panlalawigan ay para sulusyunan ang baha, mapabilis ang pagsasagawa ng mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang na dito ang mga proyektong may kaugnayan sa dredging at flood mitigation sa buong lalawigan.

Bukod umano sa mga heavy equipments noong Enero 31, 2023 may dumating din na karagdagang mini-dump truck na binili rin ng Pamahalaang Panlalawigan na hindi na rin umano nila nakikita hanggang ngayon.

Tanong ng mga residente nasaan na ang mga kagamitang ito bakit naglaho umano na parang bula?

Umaasa naman ang mga taga Oriental Mindoro na mabibigyan ng kasagutan ang kanilang katanugan upang mapalakas ang tiwala ng publiko sa mga programang inilaan para sa kapakanan ng lalawigan.

Saganang akin, hindi kaya natangay ng rumaragasang tubig baha ang mga bagong Heavy Equipments na ito na PINONDOHAN ng milyon-milyong piso mula sa buwis ng mamamayan tapos mawawala lang?

Ano kaya ang ginagawa ng Sangguniang Panlalawigan na pinamumunuan ni Vice Governor Jojo Perez gayung napakatagal na pala ang problemang ito ng mga taga Oriental Mindoro ?

***

Anumang reaksyon o suhestiyon i-text sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com