Advertisers

Advertisers

‘PANANAW SA KINABUKASAN’

0 14

Advertisers

WALANG diretsong salin sa wikang Filipino ang salitang “foresight.” Pero maaaring gamitin ang “pananaw sa kinabukasan,’ o “pag-intindi sa hinaharap.” May kahabaan ngunit makahulugan. Katangian ito ng isang tao na mabilis makaramdam kung ano ang mangyayari o magiging tagpo sa kinabukasan, o susunod na mga araw. Kaya gagawin niya ang sa tingin niya ay tama, wasto, at makahulugan. Hindi siya magkakamali o maliligaw.

Foresight ang armas ng Senado habang tinatapos ng Kapulungan ng mga Kinatawan, o Camara de Representantes, ang proseso upang iharap ang Articles of Impeachment kontra kay Misfit Sara. Dahil sa itinuturing na hindi wastong interpretasyon ng Korte Suprema sa salitang “forthwith” sa Saligang Batas hinggil sa usapin ng impeachment, minabuti ng Senado na maghanda na sa paglilitis ni Misfit sa Senado.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Kapulungan ang nagsisilbing taga-usig sa anumang reklamong impeachment laban sa mga impeachable official. Sa sandaling matapos ang pag-usig sa kanila, isasampa ang reklamong impeachment sa Senado na bubuuin ang sarili upang magsilbi bilang hukuman. Lilitisin ang inusig na opisyal sa Senado bilang impeachment court.

Tinatapos na ang proseso sa Kapulungan. Nakatakdang isumite ng House Committee on Justice ang kanilang ulat sa plenaryo sa Lunes. Inaasahan na matatapos ito sa susunod na linggo at isusumite ang Articles of Impeachment sa pinakamadaling panahon. Mas mapapabilis ang proseso sa Kapulungan dahil hindi nagpakita si Misfit Sara sa komite ni Kin. Jinky Luistro ng Batangas. No show at no contest ang nangyari.

Samantala, hindi binigyan ng saysay ni Senate President Tito Sotto ang masalimuot, baluktot, at liko-likong interpretasyon ng Korte Suprema sa salitang forthwith. Ayon kay Sotto, bubuuin agad ng Senado ang sarili bilang hukuman at uumpisahan ang paglilitis kay Misfit Sara sa sandaling matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment laban sa palalong pangalawang pangulo. Kinabukasan kapag natanggap ang Articles of Impeachment, ani Sotto.

Hindi na pinalawig ni Sotto ang usapan kung kailan ang paglilitis. Imbes na magsalita kontra sa nakakalitong kahulugan ng Korte Suprema sa forthwith, kagyat na pinulong ni Sotto ang mga kasamang senador upang ikasa ang gagamiting panuntunan sa impeachment trial ni Misfit Sara. Maaasahan natin na malilitis agad si Misfit.

***

HINDI namin nakikita na babawiin ni Leni Robredo ang kanyang salita na hindi siya tatakbo bilang pangulo sa 2028. Mas gugustuhin niya na tumakbong muli bilang alkalde ng Naga City. Hindi namin nakikita na magpapadala siya sa pambubuyo at sulsol ng mga panatikong tagahanga. Alam niya na hanggang sulsol lang ang mga panatikong tagahanga.

Alam ni Leni na kailangan niya ng matinding paghahanda upang maharap ang maigting na halalan sa 2028. Hindi sapat na manguna sa survey. Kailangan makalikom ng sapat na salapi at panustos sa kampanya. Kailangan ng organisasyon na magpapatakbo ng kampanya. Kailangan makipag-alyansa sa ibang grupong pulitikal. Hindi sapat ang kakarag-karag na Liberal Bagal upang manalo sa halalan.

Alam ni Leni na hindi maibibigay ng mga tagasulsol ang kailangan sa isang mabisang kampanya. Hanggang satsat lang sila. Sa maikli, tulak sa bangin ang kanilang pambubuyo. Hindi magiging madali kapag nandiyan na ang nagdudumilat na katotohanan ng kampanya. Hindi mayaman si Leni. Alam niya na hindi madaling humarap sa pinagsamang bilyones ng grupong Davao at China. Hindi kami nagtataka na hindi siya susubo. Hindi namin siya kilala na buo ang loob tulad ni Sonny Trillanes at Risa Hontiveros.

***

HINDI kami nagtaka na nagkaroon ng unanimous decision ang Committee on Justice na pinangungunahan ni Luistro. Nagdesisyon sila na sapat ang batayan, o probable cause,” upang dalhin na ang reklamong impeachment laban sa Misfit. Ipinakikita ng desisyon na hindi nila palalampasin si Misfit at totoong hindi siya makakalusot sa proseso.

Isang hakbang na lang at kapag dinala ang reklamo, nahaharap sa pangalawang impeachment si Misfit. Idedeklara siyang “impeached” ng Kapulungan ng mga Kinatawan at isusumite ang Articles of Impeachment upang litisin siya ng Senado bilang impeachment court.

Kasalanan ni Misfit kung humantong sa ganito ang kanyang kapalaran. Palalo at saksakan ng bilib sa sarili pero saksakan ng kabobohan. Hindi puede na hindi siya maghaharap ng katwiran. Kunsabagay, hindi madali ipaliwanag ang paper trail ng bilyones na dumaan sa kanyang mga account sa bangko. Nagmagaling si Manash Carpio at nagharap ng sakdal sa husgado pero ibinaon lang si Misfit.

Sa maikli, hindi nakatulong si Manash. May pananaw na mistulang sinabotahe ni Manash ang palalong asawa. Ibinaon siya upang patotohanan na may bilyones siyang deposito sa bangko. May impresyon kami na mukhang “under” si Manash. Walang siyang nagagawa kapag ayaw ni Misfit. Pang-ilalim lang siya kung larong baraha ang pag-uusapan.