Advertisers
UMANI ng matinding usapin ang napaulat na paglalabas ng International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, nang kumalat ang impormasyon mula sa isang sinasabing “highly reliable source” sa The Hague na nakapaglabas na ng kautusan at kasalukuyan nang kino-coordinate sa Interpol ang agarang pagpapatupad nito.
Ayon sa mga impormasyong umiikot, nais ng ICC na maiharap si Dela Rosa sa hukuman bago pa tuluyang magsimula ang pormal na paglilitis laban kay dating Pangulo Rodrigo Duterte sa mga susunod na linggo. Dahil dito, itinuturing ng ilang opisyal at observers na “seryoso” at “napipintong mangyari” ang naturang development.
Kasabay nito, kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na naghahanda na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mahigit 10,000 personnel na task force para sa posibleng dragnet operations sakaling pormal na magpalabas ng warrant of arrest laban kay Senador dela Rosa.
Gayunman, nilinaw ni Remulla na wala pa siyang nakikitang opisyal na dokumento mula sa ICC kaugnay ng naturang warrant.
“None yet to my information. As far as I am concerned, until I see the official copy, it is hearsay,” ani Remulla.
Sa kabila nito, sinabi niyang hindi nila isinasantabi ang posibilidad kaya maaga pa lamang, naghahanda na ang DILG para sa anumang magiging direktiba ‘sakaling lumabas ang opisyal na kautusan mula sa international tribunal.
Patuloy namang inaabangan ng publiko ang magiging tugon ni Dela Rosa hinggil sa kumakalat na ulat, lalo’t isa siya sa mga pangunahing personalidad na inuugnay sa kontrobersyal na ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon.
“It takes time to mobilize,” ani Remulla, habang nilinaw na wala parin silang hawak na opisyal na kopya ng warrant at nananatiling “hearsay” pa lamang ang impormasyon sa ngayon.
Inihayag din ng kalihim na kasalukuyang nasa Davao Region si Dela Rosa, bagay na lalo pang nagpaigting sa espekulasyon hinggil sa nalalapit na hakbang ng ICC.
Matatandaang noong Nobyembre ng nakaraang taon, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may impormasyon silang nakatanggap ng warrant laban kay Dela Rosa, bagama’t sinabi noon ng Department of Justice (DOJ) na kanila pa itong bineberipika.
Noong Enero, tumanggi ring magbigay ng komento ang DOJ hinggil sa mga ulat na naghahanda na itong ipatupad ang posibleng warrant mula sa ICC.
Napansin din ng ilan na hindi na dumadalo si Dela Rosa sa mga sesyon ng Senado mula pa Nobyembre 11, 2025, habang patuloy namang umiinit ang usapin kaugnay ng imbestigasyon ng ICC sa madugong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Noong Pebrero ng taon, pinangalanan ng ICC si Dela Rosa bilang isa sa mga “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rody Duterte sa sinasabing “common plan” upang “i-neutralize” ang mga pinaghihinalaang kriminal sa pamamagitan ng mararahas na operasyon, kabilang ang pagpatay.
Nagsilbing hepe Si Dela Rosa ng Davao City Police mula 2012 hanggang 2013, at naging Chief ng Philippine National Police (PNP) mula 2016 hanggang 2018, panahon kung kailan inilunsad ang kontrobersyal na “Oplan Tokhang” at “Oplan Double Barrel Reloaded” sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Habang mahigit 6,000 pinaslang lamang ang nakasaad sa opisyal na rekord ng gobyerno, tinatayang umaabot sa 30,000 ang nasawi ayon sa ilang human rights organizations dahil sa mga hindi naitalang insidente.
Kamakailan lamang, kinumpirma rin ng ICC ang mga kasong crimes against humanity laban kay Duterte kaugnay ng mga pagpatay sa panahon ng kanyang kampanya kontra droga bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo ng bansa.