Advertisers

Advertisers

PAGPASA NG MEDIA MAGNA CARTA, MULING IPINANAWAGAN NI SEN. ERWIN TULFO MATAPOS ANG BARILAN SA SENADO

0 5

Advertisers

Kasunod ng naganap na palitan ng putok sa Senado na kanyang itinuturing na isang “tahasang pagsasawalang-bahala” sa kaligtasan ng mga mamamahayag na araw-araw nagsasakripisyo ng kanilang buhay para sa kakarampot na benepisyo at walang katiyakang kaligtasan, muling binuhay ni Senador Erwin Tulfo ang pagsusulong sa pagpasa ng Media Workers’ Magna Carta.

Muling itinulak ng senador na ipaasa na ang Senate Bill No. 249, o ang “Magna Carta for Workers in the Media and News Industry Act,” na isa sa kanyang top 20 priority measures pagkapanalo pa lamang bilang Senador.

Bilang nagmula din sa hanay ng media, lubhang ikinabahala umano ng veteran broadcaster-turned- senator ang sinapit ng mga reporters na nagko-cover sa Mataas na Kapulungan nang sumiklab ang karahasan noong Mayo 13.

“Malaki ang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag sa paglalabas ng katotohanan kung ano ang tunay na nangyari sa barilan. Sino ba ang unang nagpaputok?” ani Tulfo sa isang panayam sa radyo.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente, ikinatwiran ng senador: “Dapat ay hinayaan ng mga awtoridad sa pinangyarihan ang mga reporter, photographer at cameraman na mag-cover sa lugar.”

“Magsisilbi itong patunay na sumunod sa protocol ang mga security at law enforcement unit. Proteksyon din nila ito para sa kanila dahil kapag nalaman na may presensya ng media, magdadalawang-isip silang magpaputok ng baril,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Tulfo na karamihan sa mga tauhan ng media na naipit sa putukan ay nakatalaga sa Senate beat at walang sapat na pagsasanay sa police o combat reporting.

“Halimbawa, ang Senate media ay hindi sanay sa mga ganitong uri ng barilan. Tiyak na na-trauma sila—nakarinig pa nga tayo ng ilang reporter na umiiyak habang nagbabalita nang live. Ganoon katindi ang panganib na hinarap nila sa mga sandaling iyon,” patuloy ni Sen. Erwin.

Layunin ng panukalang batas ni Tulfo na gawing pamantayan ang minimum na sahod, overtime at night shift differential pay, security of tenure, hazard allowance at mga benepisyo sa insurance, bukod sa iba pa, para sa mga manggagawa sa media.

“Ang panukalang ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapabuti ng pangkabuhayang aspeto ng mga mamamahayag, kundi pagkilala rin ito sa kanilang dignidad at karapatan habang sila ay nasa frontline upang ipaglaban ang malayanh pamamahayag,” pahayag ni Tulfo.

Aniya pa: “Ang insidente noong Mayo 13 sa Senado na nagbanta sa kaligtasan ng mga Pilipinong reporter ay isa lamang sa mga pang-araw-araw na pakikibakang kinakaharap nila. Ibigay natin sa kanila ang kabayaran at suporta na nararapat para sa kanila.” (JERRY S. TAN)