Advertisers
Sa gitna ng sari-saring haka-haka at press release kaugnay ng mga pangyayari sa Senado nitong linggo, nanawagan si Senate President Alan Peter Cayetano nitong Sabado para sa ibang klaseng “PR”: prayer and reflection.
Sa kanyang Facebook livestream noong May 16, ikinalungkot ni Cayetano na natabunan na ng iba’t ibang narrative at counter-narrative ang katotohanan sa likod ng pagbabago ng liderato ng Senado, impeachment proceedings, at armadong pag-atake sa loob ng gusali ng Senado.
“Parang bang rumble sa college na wala nang pakialam kung sino tama’t mali,” wika niya.
“If in the past few days we’ve seen public relations campaigns, ang PR campaign na akin pong pino-propose ay prayer and reflection campaign,” dagdag niya.
Hinimok ni Cayetano ang mga Pilipino, kabilang ang kanyang sarili at mga kapwa lider, na manalangin para sa katotohanan, mamuhay ayon sa katotohanan, at pagnilayan kung paano mas makatutugon ang Senado sa mga problemang dinaranas ng ordinaryong mamamayan.
“If we do not start with the truth, we cannot address the problem,” aniya.
*Maling direksyon*
Nilinaw ni Cayetano na isa sa mga tunay na dahilan ng pagbabago sa liderato ng Senado ay hindi ang impeachment case laban sa Bise Presidente, gaya ng haka-haka ng ilan, kundi ang direksyong tinatahak ng Senado kaugnay ng mabibigat na problemang kinakaharap ng bansa.
Kasama rito aniya ang tila hindi masolusyunang flood control scandal, pagtaas ng presyo, krisis sa langis at enerhiya, produktibidad ng mga magsasaka, edukasyon, korapsyon, at tiwala ng publiko sa gobyerno.
Giit ni Cayetano, ang mga isyung ito ang dapat manatiling sentro ng trabaho ng Senado.
Nanawagan din ang Senate President ng isang patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa insidente ng pamamaril sa loob ng Senado.
Ngunit sinabi ni Cayetano na siya mismo ay magdarasal at magninilay sa mga unang araw niya bilang Senate President at sa mga dapat pang gawin ng Senado para sa bawat Pilipino.
“Could I have done better? Did I do my best? Was I there for other people? Am I fully protecting the institution?” wika niya
Ayon sa kanya, marami pang kailangang gawin ang Senado para sa bansa, kabilang ang paghahanap ng paraan para maibsan ang bigat ng ekonomiya sa mga Pilipino.
Muli niyang isinulong ang panukalang 10-percent savings sa lahat ng departamento ng gobyerno, sa halip na agad mag-isip ng bagong buwis. Aniya, dapat munang tanggalin ang hindi kailangang gastos sa pamahalaan.
*Huwag mawala ang malasakit*
Panawagan pa ni Cayetano, panatilihin sana ang paggalang sa isa’t isa sa kabila ng pagkakaiba sa paniniwalang pampulitika.
“Sana po, magkalaban man tayo sa politika, magkaiba man ang opinion natin, we can start looking at each other as lahat anak ng Diyos,” aniya.
“Just because we have different ideas, we don’t have to call each other evil, or call each other names,” dagdag niya.
Kailangan din aniyang ituwid ang mga mali sa lipunan nang hindi nawawala ang malasakit sa taong tinutuwid.
“Yes, there is evil in our society, pero ang sabi nga, hate the sin but not the sinner,” aniya.