Advertisers

Advertisers

Senador Villar: “Dapat libre at lifetime ang validity ng mga PWD IDs.”

0 3

Advertisers

Naghain si Senador Mark A. Villar ng Senate Bill No. 2134, isang panukalang naglalayong gawing libre at may lifetime validity ang mga Persons with Disability (PWD) Identification Cards para sa mga kuwalipikadong indibidwal na may permanenteng kapansanan.

Ayon sa National Council on Disability Affairs (NCDA), mahigit 2.5 milyong Pilipino na ang rehistradong persons with disabilities o PWDs sa bansa. Gayunman, marami pa rin sa kanila ang nakararanas ng hirap sa pagkuha ng mga benepisyo at serbisyo ng pamahalaan dahil sa mga problema sa registry system at paulit-ulit na rekisito sa dokumentasyon. Binigyang-diin ni Villar na lalo pang nagiging mabigat ito dahil kinakailangan pa ring sumailalim ang mga PWD sa medical evaluation at pagre-renew ng ID kada limang taon kahit permanente na ang kanilang kondisyon.

“Hindi na dapat dagdagan pa ng pahirap at gastusin ang ating mga kababayang PWDs at kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan ng panukalang ito, gagawin nating libre at lifetime ang validity ng PWD IDs para sa mga kababayan nating may permanenteng kapansanan,” ani Villar.

Ang sistema ng PWD ID ay ipinatutupad sa ilalim ng Republic Act No. 9442 na nag-amyenda sa Magna Carta for Persons with Disability upang magbigay ng karagdagang proteksyon at benepisyo para sa mga PWD. Ang PWD ID ang patunay upang makuha nila ang mga diskuwento at benepisyong ipinagkakaloob ng batas tulad ng sa gamot, transportasyon, pangunahing bilihin, at iba pang serbisyo.

Sa ilalim ng panukalang batas, hindi na kinakailangang mag-renew kada limang taon ang mga PWD na may permanenteng kapansanan, at titiyakin ding libre ang pagkuha ng lifetime-validity PWD IDs. Nakasaad din sa panukala na ang permanenteng kapansanan ay kailangang sertipikado ng Municipal o City Health Office at beripikado ng Local Social Welfare and Development Office.

“Bukod dito, nananawagan din tayo sa mga kinauukulan na ayusin at palakasin ang registry system ng ating mga PWD upang matiyak na tuloy-tuloy nilang matatanggap ang mga benepisyong nararapat para sa kanila,” dagdag pa ni Villar.

“Makakaasa po kayo na patuloy nating itataguyod ang kapakanan, dignidad, at inklusibong paglahok ng mga PWD sa ating lipunan,” pagtatapos ni Villar.