Advertisers
Naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang salarin sa pagnanakaw sa isang lotto outlet sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Sa ulat kay QCPD Director, PBrig. Gen. Randy Glenn Silvio, nadakip ang dalawa bunga ng follow-up operation na isinagawa ng mga operatiba ng Novaliches Police Station (PS 4) sa pamumuno ni PLt. Col. Dave Anthony Capurcos.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Kirk”, 33 taong gulang, at alyas “Angenelle”, 25 taong gulang, na kapwa residente ng Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Nag-ugat ang operasyon nang matuklasan ng isang lotto outlet teller na nilooban at pinagnakawan ang outlet nitong Mayo 20, 2026.
Agad naman humingi ng tulong ang may-ari sa pamamagitan ng QC Helpline 122.
Matapos matanggap ang ulat, agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng PS 4, na nagresulta sa pagkakakilanlan at mabilis na pagkaaresto sa mga suspek bandang alas-3:30 ng hapon nitong Mayo 21, 2026, sa Coronel Compound, Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Nakatakas naman ang iba pang kasamahan ng dalawa pero kasalukuyan nang pinaghahanap ng pulisya.
Nabawi sa operasyon ang ninakaw na Lotto Betting Machine na sirang-sira na.
Napag-alamang natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamagitan ng isang saksi na positibong kumilala sa mga ito na umaaligid sa lotto outlet bago mangyari ang krimen.
Kakasuhan ng robbery ang mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Walang puwang ang kriminalidad sa Quezon City. Sa pamamagitan ng mabilis na aksyon at pakikipagtulungan ng komunidad, sisiguraduhin ng QCPD na ang lahat ng sangkot sa krimen ay agad na mahuhuli at mapapanagot sa batas,” pahayag ni PBrig. Gen. Silvio. (Almar Danguilan)