Advertisers
Unti-unting nababahala ang ilang mamamayan sa klase raw ng lideratong nakikita ngayon sa National Police Commission (Napolcom) sa ilalim ni Atty. Ralph Calinisan.
Sa halip na mas tumibay ang tiwala ng publiko sa ahensya, tila mas dumarami raw ang nagtatanong kung nasa tamang direksiyon pa ba ang pamamalakad dito.
Malaki ang responsibilidad na nakaatang sa Napolcom. Hindi biro ang pamahalaan at bantayan ang hanay ng kapulisan na binubuo ng libo-libong miyembro ng PNP.
Kaya naman inaasahan ng publiko na ang mamumuno rito ay magiging maingat, patas, at kalmado sa bawat kilos at pahayag.
Noong una ay sinasabing mataas ang tiwala kay Calinisan. Marami ang naniwalang kaya niyang magsulong ng reporma at disiplina sa loob ng kapulisan.
Ngunit habang tumatagal, may mga pagkakataong tila nauuna raw ang emosyon at pagpapakita sa media kaysa tahimik at maayos na proseso ng imbestigasyon.
Isa sa mga naging sentro ng usapin ay ang ginawang media briefing kaugnay ng missing sabungero case. Sa halip na nakatuon lamang sa mga pulis na idinadawit sa alegasyon, parang naging sentro rin ng mga akusasyon ang isang pribadong abugado.
Para sa iba, hindi raw naging maganda ang naging dating nito dahil tila ginamit ang entablado ng isang ahensya ng gobyerno upang iharap sa publiko ang mga paratang laban sa isang taong hindi naman saklaw ng opisina.
Hindi naman masama ang makinig sa panig ng mga umano’y biktima at kanilang pamilya. Karapatan nila iyon. Pero mahalaga ring tandaan na bahagi ng tunay na hustisya ang pagbibigay ng patas na pagtingin sa lahat ng sangkot. Hindi dapat nahahatulan agad ang sinuman sa harap ng kamera bago matapos ang tamang imbestigasyon.
May mga pagkakataon din na tila nauuna raw ang paghusga kaysa pagbusisi sa buong pangyayari. Katulad ng insidente ng isang pulis at rider na agad naging laman ng publiko, ngunit kalaunan ay lumabas din ang ibang detalye na dapat sana’y nauna munang sinuri bago raw nagkaroon ng matitinding pahayag.
Dito nasusukat ang tunay na liderato. Hindi lamang sa tapang magsalita o sa pagiging aktibo sa media, kundi sa kakayahang pairalin ang due process at pagiging patas sa lahat ng oras.
Ang isang opisyal ng gobyerno ay kailangang maging maingat dahil bawat salita at aksyon ay may epekto hindi lamang sa isang tao kundi sa buong institusyong kanyang kinakatawan.
Masasabi nga na sa panahon ngayon, madaling makuha ang simpatiya ng publiko.
Gayunman, mas mahalaga pa rin ang kredibilidad at integridad ng isang ahensya. Mahalagang makita ng mamamayan na ang batas ay pareho para sa lahat—maging pulis, sibilyan, o pribadong indibidwal.
Hindi kailangan ng Napolcom ng lider na laging bida sa kamera. Ang mas kailangan ng ahensya ay isang pinunong marunong makinig, magtimpi, at magbigay ng patas na pagtingin sa bawat panig.
Dahil sa huli, ang tunay na sukatan ng mahusay na pamumuno ay hindi kung gaano kalakas ang palakpak ng publiko, kundi kung gaano katatag ang tiwala ng mamamayan sa sistema ng hustisya.
***
Catch Gilbert Perdez on “HIMIG AT BALITA” over DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23 every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM, followed by “DWIZ TODO BALITA” from 5:00 AM to 6:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and concerns, you may contact him via email at gil.playwright@gmail.com or at 0991-354-3676.