Advertisers
HABANG ngisi-ngisi si BBM sa tila sumasamang kapalaran ng ibinabandong Majority Bloc sa Senado, mistulang lumpong pato si Alan Peter Cawatano. Walang siyang magawa upang igiit ang tunay na pakay ng bloke ng mga kriminal na bigyan ng proteksyon ang kanilang sarili at si Misfit Sara. Hindi siya nagtagumpay upang hilahin ang Senado na baguhin ang mga itinakdang panuntunan sa napipintong impeachment trial ni Misfit Sara.
Bale wala ang ipinagmamagaling na poder ni Cawatano bilang presidente ng Senado. Hindi niya nagamit upang makasali ang mga tiwaling senador na kasalukuyang nagtatago at makukulong dahil hindi inaprubahan ang ipinanukalang online participation para sa kanila. Nasabotahe ang masatsat na lider ng tinaguriang Minority Bloc ni Tito Sotto. Dahil nabara ng minorya ang kanilang panukala, lumalabas na tila wala ng ibang paraan sa ngayon upang ipilit ito.
Hindi katanggap tanggap ang mungkahi na makalahok, at makaboto sa pamamagitan ng bagong teknolohiya, o online technology, sa impeachment trial ni Misfit Sara kahit ang mga senador na may mga asunto na nagtatago at makukulong. Pilit niluto ni Cawatano na ipasa ang mabantot na panukala pero hindi siya nagtagumpay dahil sa simpleng dahilan: kahit minorya ang bloke ni Sotto, mas magaling sila sa maniobra. Alam ang Rules sa Senado at napaglalangan nila ang mga bastos at tiwaling bloke ng senador na pinangungunahan ni Cawatano.
Nahahati sa dalawang bloke ang Senado. Maituturing ang Majority Bloc bilang bloke ng mga senador na may mga sabit sa batas. Sila ang bloke ng pinaniniwalaang kriminal dahil apat o lima ang may kaugnayan sa flood control scam at maaaring mahaharap sa sakdal na plunder o pandarambong sa kaban ng bayan. Ang iba ay nahaharap sa ibang sala tulad ng obstruction of justice. May dalawang senador na ang pamilya ay nahaharap sa isyu ng insider trading and market manipulation.
Hindi namin maintindihan kung bakit at paano nagkasama-sama sa isang bloke ang may sakdal. Hindi masasabing pinagbuklod-buklod sila ng masamang kapalaran. May kapangyarihan ang bawat isang nilalang na lilukin ang sariling kapalaran. Tila ito ang mensahe ng Minority Bloc. Hindi isyu ang anumang sakdal laban sa kanila.
Nagsama-sama sa isang bloke silang nagdesisyon na ang bawat isa ay huwag sumama sa mga katiwalian upang hindi sila abutan ng anumang kamalasan. Sa maikli, pinili nila ang buhay na walang bagahe. Hindi nila nais magkamal ng limpak limpak na salapi na hindi kanila. Sila’y mga halal na lingkod bayan at batid nila na wala silang karapatan upang sakmalin ang hindi sa kanila. Paglingkuran ang sambayanan, ito ang kanilang mandando.
Huwag maniwala na hindi korap si Cawatano. Huwag maniwala sa ibinabando na nabarkada lang sa mga tiwali si Cawatano. Noong 2019, pinangunahan niya ang pag-oorganisa ng SEA Games sa bansa. Binigyan siya ng budget na P11.5 bilyon upang gamitin sa palaro sa rehiyon. May requirement na magsumite siya ng financial statement.
Hindi malaman kung nagsumite si Cawatano ng financial statement. Hindi pa ito nakakalkal. Hindi malaman kung nagamit na ayon sa batas ang malaking salapi ng bayan na ipinagkatiwala sa kanya. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon patuloy at todo-todo si Cawatano sa paghimod ng puwet ni Gongdi at Misfit Sara. May dahilan upang pagdudahan na sinalaula niya ang salapi ng bayan.
***
MAY pangako si Ombudsman Boying Remulla na hindi lang si Jinggoy Estrada sa mga senador na sinampahan ng sakdal na plunder sa hukuman. Masusundan si Jinggoy at hindi malayo sina Tricky Tsis, Joel, at kahit si Rodente. Sa kanila nakatutok ang kanyon ni Boying. Mukhang hindi sila bibiruin. Nakikita namin na ang ibinandong Majority Bloc ay magiging minorya lalo kung bumaba ang mga arrest warrant laban sa kanila at dumiretso sila sa kalaboso.
Ito ang pangatlong pagkakataon na sangkot si Jinggoy sa malakihang nakawan sa gobyerno. Noong 2001, sumabit siya sa jueteng payola at kasama niya ang amaang si Erap na nabilanggo. Noong 2014, sumabit rin si Jinggoy sa PDAF scandal. Kung susumahin ang panahon na inilagi niya sa loob ng bilangguan, halos anim na taon siyang nakulong.
Bakit ganoon? Walang kadala-dala si Jinggoy. Hindi namin maipaliwanag iyan. Ang napapansin namin ay may kasuwapangan si Jinggoy. Palaging siyang kasama sa malakihang nakawan. Palaging siyang “picture” kung gagamitin ang salita ngmga pulis. Masyadong matulis sa mga nakawan. Mukhang ito ang kahinaan ng kanyang pagkatao. Hindi niya ito ganap na mapigil.
***
MAY ibinahaging kaisipan si Kin. Jude Acidre ng Tingog Party List: hayaan hawakan ng Office of the Ombudsman ang isyu ng flood control scandal; at hayaan ang Senado na pagtuunan ng pansin ang impeachment trial ni Misfit Sara. Dapat gugulin ng Senado ang panahon at lakas bilang impeachment court imbes na ituloy ang unang imbestigasyon sa flood control controversy.
“To be honest, I would rather that the Ombudsman be allowed to continue with this investigation. The proper forum for this point, after all the investigations have been made, now belongs to the courts,” ani Acidre sa panayam ng One PH’s Morning Matters. “Cases have been filed. They have started to file cases against certain individuals,” aniya.
“But I would rather that we allow the process to continue on the basis of evidence. The same discipline, and the same due process that we’re also giving to the Vice President in the impeachment trial,” ani Acidre. “Remember, accountability cannot be done with shortcuts. Shortcuts will only serve as distractions. Shortcuts will only muddle the issue,” aniya.
“So let’s allow the Ombudsman to do his job,” ani Acidre. “I would rather that they focus their energies on the role as senator-judges. Because only the Senate has the power to either acquit or convict the Vice President in an impeachment trial.”