Advertisers

Advertisers

MATA NG BAYAN SA IMPEACHMENT: BANTAY SENADO ILULUNSAD

0 6

Advertisers

ILULUNSAD ang isang independent watchdog group na magbabantay sa impeachment trial sa Senado, lalaban sa disinformation, at tutulong sa publiko na mas maunawaan ang proseso ng impeachment kaugnay ng nalalapit na paglilitis kay Vice President Sara Z. Duterte.

Sa ginanap na Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, inanunsyo ni ‘TEAM PINAS’ Executive Director Carlo Flores ang paglulunsad ng ‘Bantay Senado’, isang independiyenteng inisyatiba na nakasandig sa tatlong pangunahing prinsipyo: pagsasabi ng katotohanan, pagbubuo ng tulay ng pag-unawa, at pagsusulong ng pagbabago.

Ayon kay Flores, nabuo ang Bantay Senado dahil ang nalalapit na impeachment trial ay magaganap sa isang mas kumplikadong kapaligiran ng impormasyon kumpara sa mga nakaraang impeachment proceedings.

“Ito ang unang impeachment trial kungsaan nangingibabaw na ang social media at generative artificial intelligence,” ani Flores.

Binigyang-diin niya na nagbago ang takbo at kalikasan ng impeachment trial ngayong taon dahil sa paglaganap ng disinformation at sa madaling pag-access ng publiko sa mga AI tools.

Aniya, may tatlong pangunahing tungkulin ang Bantay Senado sa panahon ng paglilitis: pagmamanman, pagpapaliwanag, at pagpapaalala sa mga opisyal ng kanilang tungkulin at pananagutan.

Sa aspeto ng pagmamanman, susubaybayan ng mga volunteer ng Bantay Senado ang bawat hakbang at pangyayari sa impeachment proceedings. Nagulat pa umano ang grupo sa dami ng mga nagboluntaryong tumulong matapos silang manawagan ng suporta.

Samantala, layunin naman ng grupo na ipaliwanag sa simple at madaling maintindihang paraan ang proseso ng impeachment sa pamamagitan ng mga talakayan sa komunidad at iba’t ibang lokal na aktibidad.

Ayon kay Flores, nais nilang dalhin ang usapan sa mga barangay, simbahan, at paaralan upang maipaliwanag sa payak na lengguwahe ang mga nagaganap sa paglilitis.

Sa tulong ng mga volunteer, influencers, at isang volunteer legal team, magbibigay ang Bantay Senado ng malinaw na paliwanag tungkol sa mga nangyari sa pagdinig at kung bakit ito mahalaga sa publiko.

“Ipapaliwanag namin kung ano ang nangyari sa proseso at bakit ito mahalaga,” ani Flores.

Dagdag pa niya, tutulungan din ng inisyatiba ang mamamayan na suriin ang mga ebidensiya at argumento ng magkabilang panig sa patas at nakabatay sa batas na paraan.

“Magbibigay tayo ng walang kinikilingan at nakabatay sa batas na pagsusuri,” aniya.

Upang mas maraming mamamayan ang maabot, plano rin ng Bantay Senado na gumamit ng iba’t ibang wika at istilo ng komunikasyon.

Para naman sa ikatlong tungkulin nito, paaalalahanan ng grupo ang mga lider at senator-judges tungkol sa kanilang sinumpaang tungkulin at pananagutan sa bayan.

Ayon kay Flores, tugon din ang proyekto sa matinding kagustuhan ng publiko na magkaroon ng sapat at tamang impormasyon hinggil sa impeachment process. “May uhaw talaga ang publiko sa kaalaman.”

Bagama’t isang prosesong pampulitika ang impeachment, sinabi ni Flores na mahalagang bahagi pa rin nito ang taumbayan dahil ang mga halal na opisyal ay nananagot sa mamamayan.

Sa huli, umaasa ang Bantay Senado na mahikayat ang publiko na tumingin lampas sa ingay ng pulitika at ituon ang pansin sa katotohanan, ebidensiya, at pananagutan.

“Hindi lamang si VP Sara at ang Senado ang bahagi ng impeachment trial. Isa sa pinakamahalagang bahagi nito ang taumbayan,” pagtatapos ni Flores.