Advertisers
NANGUNGNA parin si Vice President Sara Duterte sa mga kandidato sa pagka-pangulo sa 2028, ngunit mabilis na humahabol si dating Vice President ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo, batay sa unang presidential preference survey na ipinagawa ng Stratbase Group.
Sa nationwide survey ng Pulse Asia na isinagawa Mayo 3 hanggang 7, 2026 sa 1,500 respondents, nakakuha si Duterte ng 51 porsiyento laban sa 41 porsiyento ni Robredo sa isang hypothetical one-on-one presidential race. Walong porsiyento naman ang hindi pa makapagpasya.
Ipinakita rin ng survey ang mataas na interes ng publiko sa 2028 elections kahit halos dalawang taon pa ito bago ganapin. Umaabot sa 83 porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabing interesado sila sa halalan, habang 61 porsiyento ang nagsabing “lubhang interesado” sila.
Ayon kay Stratbase Group founder Prof. Victor Andres “Dindo” Manhit, malaking bahagi ng lamang ni Duterte ay mula sa Mindanao kungsaan nakakuha siya ng napakalaking 91 porsiyentong suporta kumpara sa 7 porsiyento ni Robredo.
Gayunman, dikit ang laban sa Metro Manila. Nakakuha si Duterte ng 48 porsiyento habang 46 porsiyento si Robredo. Sa Balance Luzon, malaki ang bentahe ni Robredo, 55 porsiyento laban sa 33 porsiyento ni Duterte.
Sa vice presidential race, nanguna si Senador Erwin Tulfo laban kay Senador Robinhood Padilla, 46 porsiyento laban sa 38 porsiyento. Siya rin ang may pinakamataas na trust rating sa mga sinuring personalidad sa pulitika.