Advertisers
Sa ilalim ng programang “One Laptop, One TV, One Classroom,” ipinamahagi ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng Lungsod ng Maynila ang 551 Sony 55-inch Smart TV at 982 HP laptop na may kasamang bag sa mga guro ng Kindergarten at Grade 1 mula sa anim na distrito ng lungsod sa ginanap na programa sa San Andres Sports Complex nitong Hunyo 2.
Bahagi ang pamamahaging ito ng pagtupad ni Domagoso sa kanyang ipinangako noong 2025 State of the City Address, matapos siyang muling manungkulan bilang alkalde ng Maynila.
Nagpasalamat ang alkalde sa mga guro sa pampublikong paaralan at kinilala ang kanilang mahalagang papel sa paghubog ng kanyang pagkatao.
“Kung hindi kayo nagtiyaga, mga teacher ng Kinder at Grade 1, sa kakulitan ko nung araw, malamang hindi ako Mayor ngayon,” ani Domagoso.
Ayon sa alkalde, produkto siya ng pampublikong edukasyon at paraan ang programang ito ng pagbibigay-pugay at pasasalamat sa mga gurong nagsakripisyo para sa kanilang mga estudyante.
Sinabi rin niya na bahagi ito ng Minimum Basic Needs (MBN) Policy ng kanyang administrasyon na nakatuon sa pabahay, edukasyon, kalusugan, at trabaho bilang pangunahing pamumuhunan para sa mga Manileño.
Bukod sa mga laptop at Smart TV, namahagi rin ang pamahalaang lungsod ng iba’t-ibang kagamitang pang-eskwela para sa lahat ng antas ng pag-aaral. Kabilang dito ang mahigit 2.6 milyong kuwaderno, higit 1.3 milyong notepad, 66,250 school bags para sa mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 2, at mga PE uniform para sa mga estudyante mula Kinder hanggang Grade 12.
Pinasalamatan din ni Domagoso ang Manila Local School Board, sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Sheryll Gayola, sa naging malaking ambag nito upang maisakatuparan ang programa.
Binalikan din ng alkalde ang kanyang karanasan bilang dating estudyante ng pampublikong paaralan sa Maynila at ibinahagi kung paano siya tinulungan ng kanyang mga guro na manatili sa pag-aaral sa kabila ng mga pagsubok na kanyang naranasan noong high school.
“Bagamat hirap na hirap kayo sa pamumuhay at minsan kulang kayo ng kalinga sa pamamagitan ng ating pinaglilingkuran, huwag na huwag kayong susuko sa amin,” mensahe niya sa mga guro.
Inanunsyo rin ni Domagoso ang pagpapalawak ng fresh milk feeding program ng lungsod. Mula sa dating 21,000 daycare enrollees, sasaklawin na nito ang humigit-kumulang 60,000 mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Kinder hanggang Grade 1, na makatatanggap ng sariwang gatas kada ikalawang araw simula ngayong Hunyo.
“Madaling matuto ang isang batang malusog, at masigla,” pagtatapos ng alkalde.(BP)