Advertisers

Advertisers

Aksyon-serbisyo, sagot ni Cayetano sa mga batikos

0 9

Advertisers

Tama! Alin ang tama? Ang sinasabing madaling bumatikos kapag ikaw ay nakaupo lang sa gilid at nanonood. Tulad na lamang sa mundo ng politikang Pilipino, naging pambansang pasatiempo (libangan) na ang paghahanap ng butas sa bawat galaw ng mga nasa kapangyarihan.

Isa na naman sa patunay na nakaranas at patuloy na nakakaranas ng kaliwa’t kanan batikos ay si Senador Alan Peter Cayetano, simula nang pamunuan ang Senado matapos siya’y ihalal bilang bagong Senate President.

Sa pag-upo ni Cayetano matapos na mapatalsik sa puwesto si dating Senate President Tito Sotto, inasahan na ang awtomatikong reaksyon mula sa mga kritiko: hinala, dudadang pampolitika, at paratang ng pansariling interes.

Ngunit kung tatanggalin natin ang emosyon at titingnan ang realidad, isang malaking hamon ang hinarap ng bagong mayorya—ang banta ng political paralysis o ang pagkakaparalisa ng Senado dahil sa sabay-sabay na krisis.

Bago magpalit ng liderato sa Senado, ang institusyon ay maikompara sa isang barkong binubugbog ng bagyo – kasi, nariyan ang destabilization plots, girian ng mga bloke, at ang pinakamabigat sa lahat—ang pagdating ng impeachment articles mula sa Kamara.

Sa ganitong sitwasyon, normal na ang isang institusyon ay ma-stuck sa drama. Madaling magpalusot na “busy kami sa impeachment kaya hindi muna namin maaasikaso ang ibang bagay.”

Ngunit ang estilong magpalusot ay wala sa bokabularyo ng bagong liderato – iyon ang kaibahan ngayon sa pamumuno ni SP Cayetano. Sa halip na gawing dahilan ang impeachment para itigil ang mundo, ipinakita ni Cayetano na kayang mag-multitask ng Senado.

Sa usapin ng impeachment, hindi ito ginawang sandata para manggipit, at hindi rin ito itinago sa ilalim ng mga mesa sa Senado. Sa halip ay inihanda agad ang makinarya at binuo ang mga alituntunin. Nakita ng bagong liderato na mahalaga ito para sa mabilis at transparent na pag-aksyon kung saan ay nag-aalis ng duda ng “lutuan.” Pinatunayan lamang ng Senado na handang-handa itong tumayo bilang isang Korte—pormal, patas, at may sistema at hindi pwedeng idaan ang lahat sa paninidak o sa ingay ng social media. ‘Ika nga, batas siyang masusunod.

Ngunit ang mas kahanga-hangang diskarte ni SP Cayetano ay ang sabay na pagbuhay sa imbestigasyon ng flood control fiasco. Kapansin-pansin kasi ang biglang pagkalma ng imbestigasyon hinggil sa flood control projects anomaly.

Para sa isang ordinaryong mamamayan na binabaha tuwing may ulan. Oo, walang pakialam ang marami sa impeachment na ‘yan kung nakalubog naman sa baha ang kanilang mga bahay. Heto naman ay batid ng bagong mayorya.

Kaya habang gumigulong ang paghahanda sa impeachment, binuhay ang natutulog na partial report sa flood control sa pamamagitan ng subcommittee ni Senador Rodante Marcoleta.

Isipin ninyo, ang isang isyung matagal nang sinuspendi at mistulang “itinuon” na lang sa limot ng nakaraang pamunuan, ngayon ay binigyan ng bagong lakas. Malinaw ang mensahe ng liderato – walang sacred cows. Hindi pwedeng gamiting kalasag ang pampolitikang ingay para takasan ang pananagutan sa bilyon-bilyong pondo ng bayan na napunta lang sa wala habang lumalangoy sa baha ang mga Pilipino.

Ang masaklap, ang anggulong ito na ginagawa ng liderato ni Cayetano ay hindi nakikita ng mga kritiko at ang tanging nakikita ay “multo ng sabwatan.” Ang demokrasya ay pinatatakbo ng mayorya dahil kailangan ng direksyon. Ksaya kung ang bawat galaw ng mayorya ay tatawaging “power grab” ng kalaban at ng mga nagmamarunong kritiko, kailan pa makaka-abante ang bansa?

Hindi naman natin sinasabing na ang minorya ay dapat nasa isang tabi na lamang, kung hindi ang minorya ay may karapatang magbantay, mag-usisa, at pumuna—at dapat lang nilang gawin iyon kung may pang-aabuso.

Subalit, may hangganan ang pamomolitika. Kung ang hakbang ng bagong liderato ay para patakbuhin ang hustisya – sa impeachment at habulin ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan – sa flood control, ang tamang reaksyon ay hindi boykot “walkout” o pambabatikos, kundi ang pagpapatrabaho sa kanila.

Ano pa man, ang sukatan ng isang magiting na pinuno ay hindi kung gaano kakinis ang kanyang daan, kundi kung paano niya pinapatakbo ang makinarya sa gitna ng matinding trapiko at bagyo. Sa bilis ng aksyon ng bagong Senado, mukhang nahanap nila ang tamang balanse. Bigyan natin sila ng pagkakataon na patunayan ang kanilang deliverables. Dahil sa ngayon, mas kailangan natin ng mga mambabatas na nagtatrabaho kaysa sa mga politikong panay ang salita. Gaya ni Cayetano, aksyon at serbisyo ang kasagutan sa kanyang mga kritiko kaysa makipagngawngawan na walang katuturan.