Advertisers

Advertisers

‘Di drawing: Pangako sa edukasyon, tinutupad ni Yorme Isko

0 7

Advertisers

Sa politika, madalas nating marinig ang mga pangako. May mga ipinapangako sa panahon ng kampanya na kalaunan ay nalilimutan kapag natapos na ang halalan.

Kaya naman sa tuwing may isang pangakong natutupad, lalo na kung direktang nakikinabang ang mga mamamayan, nararapat lamang itong kilalanin.

Kahapon, ipinamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang 551 Smart TV at 982 laptop para sa mga guro ng Kindergarten at Grade 1 sa mga pampublikong paaralan ng lungsod. Para sa iba, isa lamang itong simpleng turnover ng kagamitan. Ngunit kung susuriing mabuti, mas malalim ang kahulugan nito.

Katuparan ito ng isa sa mga ipinangako ni Yorme sa kanyang pagbabalik sa City Hall. Bahagi ito ng programang “One Laptop, One TV, One Classroom,” na naglalayong gawing mas moderno at mas epektibo ang sistema ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan ng Maynila.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na malaking hamon para sa mga guro ang kakulangan ng kagamitan sa loob ng silid-aralan. Sa maraming pagkakataon, sariling pera pa ng mga guro ang ginagamit para makapag-imprenta ng mga visual aid, makabili ng mga materyales, o makahanap ng paraan upang maging mas interesante ang kanilang pagtuturo.

Kaya para sa kanila, ang pagkakaroon ng laptop at Smart TV ay hindi lamang dagdag na kagamitan, isa itong mahalagang kasangkapan upang mapabuti ang kalidad ng edukasyong kanilang naihahatid.

Subali’t higit pa rito ang mensaheng dala ng programang ito. Ipinakikita nito na ang edukasyon ay nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyon.

Hindi lamang ito tungkol sa pagbibigay ng kagamitan kundi tungkol sa pagkilala na ang mga guro ang isa sa pinakamahalagang pundasyon ng paghubog sa kinabukasan ng lungsod.

Bahagi rin ang naturang programa ng Minimum Basic Needs (MBN) Policy ng administrasyong Domagoso. Sa ilalim ng MBN, apat na sektor ang binibigyang prayoridad, pabahay, kalusugan, trabaho, at edukasyon. Simple lang ang prinsipyo: kung matutugunan ng pamahalaan ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan, mas magiging matatag ang pundasyon ng kanilang buhay.

Sa kaso ng edukasyon, hindi sapat na may paaralan lamang. Hindi rin sapat na may mga guro at estudyante. Kailangan ding tiyakin na mayroon silang mga makabagong kagamitan na tutugon sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon.

Sa panahon ng digital learning at mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, mahalagang mabigyan ng sapat na suporta ang mga guro upang makasabay sa mga pagbabago.

Kapansin-pansin din na hindi lamang laptop at Smart TV ang ipinamahagi ng lungsod. Kasabay nito ang milyun-milyong kuwaderno, school supplies, school bags, at PE uniforms para sa mga mag-aaral.

Inanunsyo rin ang pagpapalawak ng fresh milk feeding program na sasaklaw sa mas maraming batang mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Ipinapakita nito na ang pananaw ng administrasyon ay hindi nakatuon sa isang proyekto lamang. Sa halip, sinusubukan nitong tugunan ang iba’t-ibang aspeto ng pangangailangan ng mga bata upang masigurong handa silang matuto at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

Sa huli, ang pinakamahalagang tanong, hindi kung gaano karaming laptop o Smart TV ang naipamahagi. Ang mas mahalagang tanong, kung paano nito mababago ang karanasan ng mga guro sa pagtuturo at ng mga bata sa pag-aaral.

Kung magiging daan ang mga kagamitang ito upang maging mas mahusay ang pagtuturo, mas maging interesado ang mga mag-aaral, at mas mapalakas ang kalidad ng edukasyon sa Maynila, masasabi nating hindi lamang kagamitan ang ipinamahagi rito. Ang tunay na ipinamahagi ay pagkakataon, pagkakataong magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan ang susunod na henerasyon ng mga Manileño.

At sa isang lungsod na matagal nang ipinagmamalaki ang edukasyon bilang susi sa pag-unlad, mahalagang makita ng publiko na hindi lamang nananatili sa mga talumpati ang mga pangako.

Sa pagkakataong ito, nakikita na mismo sa loob ng silid-aralan ang pangako, sa anyo ng mga laptop, Smart TV, at mas malaking pag-asa para sa kabataang Manileño.

Mabuhay ka Yorme Isko at salamat!
***
Kamakailan ay nagpakita ng matinding pagbabantay ang Bureau of Customs (BOC)–Port of Clark matapos masabat ang mahigit ?64.9 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa tatlong magkakahiwalay na parcel na dumating sa bansa mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ayon sa BOC, ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at isinagawa sa pakikipagtulungan ng Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID).

Kabilang sa nasabat ang isang shipment mula India na idineklarang “Industrial Pistons” ngunit natuklasang may nakatagong humigit-kumulang 6.8 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ?4.2 milyon. Isa pang shipment mula Liberia na idineklarang “Car Parts” ang naglaman ng mahigit 432 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ?2.9 milyon. Pinakamalaki naman ang nasamsam sa parcel mula Africa na idineklarang “Green Square Plastic Resin,” kung saan natuklasan ang tinatayang 8.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ?57.8 milyon.

Sa isinagawang pagsusuri gamit ang Rigaku Spectrometer, positibong natukoy ang mga nakuhang substance bilang Methamphetamine Hydrochloride o shabu. Agad ding nagsumite ng mga sample ang BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa confirmatory testing.

Dahil dito, naglabas ang Bureau of Customs ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na nananatiling pangunahing target ng mga sindikato ang mga airport at express cargo shipment sa pagpapasok ng iligal na droga sa bansa. Pinuri rin niya ang Port of Clark at iba pang paliparan sa ilalim ng BOC dahil sa kanilang pagiging mapagmatyag at epektibong pagpigil sa pagpasok ng mga kontrabando.

Samantala, sinabi naman ni District Collector Jairus S. Reyes na patuloy na nagbabago ang mga taktika ng mga smuggler ngunit nananatiling handa at alerto ang mga tauhan ng Customs sa pamamagitan ng mas mahigpit na profiling, monitoring, at koordinasyon sa mga katuwang na ahensya.

Patunay ang magkakasunod na pagkakasabat na ito na hindi natitinag ang kampanya ng Bureau of Customs laban sa drug smuggling at nananatiling matatag ang kanilang mandato na protektahan ang mga hangganan ng bansa laban sa pagpasok ng iligal na droga.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.