Advertisers
Ang pamahalaang Lungsod ng Parañaque ay namahagi ng tulong pang-edukasyon sa 5,000 mag-aaral sa kolehiyo sa ilalim ng Tertiary Education Financial Assistance Program (TEFAP), bilang bahagi ng pagsisikap nitong suportahan ang mas mataas na edukasyon at tulungan ang mga estudyante na makayanan ang tumataas na gastusin sa paaralan.
Sinabi ni Mayor Edwin L. Olivarez na ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay makakatanggap ng tulong pinansyal mula P4,000 hanggang P6,000, depende sa kanilang grade average.
Dumalo si Olivarez sa seremonya ng pamamahagi at inulit ang pangako ng pamahalaang lungsod sa edukasyon sa pamamagitan ng mga programang nagbibigay ng suportang pinansyal sa mga karapat-dapat na mag-aaral.
Ani Olivarez ang edukasyon ay hindi isang gastos kundi isang pamumuhunan sa kinabukasan ng mga mag-aaral.
Ayon kay Olivarez, layunin ng Tertiary Education Financial Assistance Program (TEFAP) program na matiyak na maipagpapatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang pag-aaral anuman ang kanilang kalagayang pinansyal.
Ang tulong ay inilaan upang matulungan ang mga benepisyaryo na mabayaran ang mga gastusin sa edukasyon, kabilang ang mga gamit sa paaralan, transportasyon, at iba pang mga pangangailangang pang-akademiko para sa pagbubukas ng mga klase.
Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na ang programa ay bahagi ng patuloy na pagsisikap nito na gawing mas madaling maabot ng mga residente ng Parañaque ang mas mataas na edukasyon at hikayatin ang mga mag-aaral na ituloy ang kanilang mga layunin sa akademiko.
Hinikayat din ni Olivarez ang mga benepisyaryo na manatiling nakatutok sa kanilang pag-aaral at i-maximize ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng educational assistance program.
Samantala noong nakaraang lingo namahagi din si Mayor Olivarez ng libreng dalawang set ng uniporme at isang pares ng sapatos sa libo-libong mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ang proyektong ito ay alinsunod sa City Ordinance No. 29, Series of 2025, na isinulong ni Councilor Pablo “Pao” Olivarez II. Layunin nitong gumaan ang gastusin ng mga magulang ngayong pasukan at hikayatin ang mga mag-aaral na pumasok nang may kumpiyansa at dignidad.
***
Anumang reaksyon o suhestiyon i-text sa 09368625001/09397177977 o di kaya mag rmail balyador69@gmail.com