Advertisers
MARIING iginiit ng Gatchalian bloc na ang kanilang hakbang para magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado ay alinsunod sa mga umiiral na precedent at sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco, kung saan kinilala ang bisa ng quorum sa gitna ng hindi kumpletong presensya ng mga miyembro.
Matatandaang naging batayan ng pagbabago sa liderato ng Mataas na Kapulungan ang tatlong araw na pagliban ng Cayetano bloc sa mga nakatakdang sesyon dahilan upang ideklarang bakante ang lahat ng posisyon ng Senado.
Ang naturang pagbabago sa liderato ay kinilala naman ng House of Representatives at ng Malacañang.
Gayunpaman, mariing tinutulan ito ng Cayetano bloc, na iginiit na kailangan ng 13 boto upang ideklarang bakante ang mga posisyon sa Senado, batay umano sa kabuuang 24 na miyembro nito. Kasama sa bilang sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na parehong hindi aktibong nakadalo sa mga sesyon.
“Wala po silang 13. Kahit Grade 1, marunong magbilang. Kailangan ng 13. So wala ho silang authority gawin yung mga ginawa nila,” ani Cayetano.
Ayon naman sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP), na kinabibilangan nina Dela Rosa, Bong Go, at Robin Padilla, nakatakda silang maghain ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang legalidad ng naganap na pagbabago sa liderato.
Sa panig ng Malakanyang, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na may karapatan ang Cayetano bloc na dalhin ang isyu sa Korte Suprema ngunit iginiit nitong mayroong nang precedent noong 2015 Senate session kung saan kinilala ang 12 quorum nang walang pagtutol sa Korte.