Sandiganbayan ipinag-utos ang pagsumite ng audit log sa P92.8-M ghost flood control project sa Bulacan
Advertisers
IPINAG-UTOS ng Sandiganbayan Third Division sa isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isumite ang audit log ng application na ginagamit sa pagmamanman ng mga infrastructure project, kabilang ang talaan ng mga nagpasok at nagbago ng datos sa P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Inilabas ang kautusan ni Associate Justice Fritz Bryn Delos Santos sa pagdinig ng kasong malversation laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng umano’y ghost flood control project.
Sa pagdinig, sinabi ng humarap na testigo na si DPWH Information Management Service Director Rhalf Cawaling na ang project engineer ang may awtoridad na maglagay ng progreso ng proyekto sa Project and Contract Management Application (PCMA).
Kinumpirma rin niya na may audit log ang sistema na kayang tukuyin kung sino ang gumawa ng mga pagbabago sa datos, dahilan upang ipag-utos ng hukuman ang pagsumite nito kung available ito.