Advertisers
Hindi na bago sa pandinig ng mga Pilipino ang tinatawag na “tara system” sa Bureau of Customs (BOC).
Sa loob ng maraming dekada, paulit-ulit nang lumulutang ang mga alegasyon ng lagayan, katiwalian, at maanomalyang pagproseso ng mga kargamento sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
Aba’y sa kabila ng mga reporma at pagpapalit ng mga opisyal, tila patuloy pa ring bumabalik ang problemang ito na matagal nang nagpapahirap sa gobyerno at sa taumbayan.
Muli itong nabigyang-pansin matapos mabunyag ang umano’y operasyon ng “tara system” sa Port of Cebu.
Naku, sinasabing sa ilalim ng ganitong kalakaran, may mga importer at broker na nagbibigay daw ng padulas sa ilang tiwaling opisyal kapalit ng mabilis na paglabas ng kanilang mga kargamento o pag-iwas sa tamang pagbabayad ng buwis at taripa.
Nagreresulta ito ng malaking pagkalugi sa kaban ng bayan at hindi patas na kompetisyon para sa mga negosyanteng sumusunod sa batas.
Nakababahala ang mga ulat na umabot daw sa milyun-milyong piso bawat buwan ang nakokolekta sa naturang sistema.
Kung mapatutunayang totoo, nangangahulugan itong may malaking halagang dapat sana’y napupunta raw sa mga serbisyong pampubliko tulad ng edukasyon, kalusugan, at imprastraktura ngunit nawawala dahil sa katiwalian.
Dahil sa mga alegasyon, nakakaladkad daw ngayon si Port of Cebu District Collector Alexandra Yap-Lumontad.
Hindi rin daw nakatulong na may mga nauna nang reklamo at kontrobersiyang naiuugnay sa kanyang pangalan sa iba’t ibang tanggapan ng Customs. Kamakailan lamang ay naharap din daw siya sa mga reklamong inihain sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa paggamit ng mga opisyal na dokumento at selyo.
Gayunman, mahalagang tandaan na ang lahat ng akusasyon ay kailangan pa ring mapatunayan sa tamang proseso. May karapatan ang bawat opisyal na ipagtanggol ang sarili. Subalit kasabay nito, may karapatan din ang publiko na malaman ang buong katotohanan at makita na ang batas ay ipinapatupad nang patas sa lahat.
Matagal nang itinuturing ang BOC bilang isa sa pinakamahalagang ahensya ng gobyerno pagdating sa pangongolekta ng kita ng estado at pagpigil sa smuggling.
Ang anumang bahid ng korapsyon sa loob nito ay direktang sumasapol sa ekonomiya at sa tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.
Kaya nararapat lamang na magkaroon ng masinsinan, mabilis, at transparent na imbestigasyon sa usaping ito.
Sabi nga, ang kampanya laban sa katiwalian ay hindi dapat mapako sa mga pangako lamang.
Kung may sala, dapat managot. Kung walang kasalanan, dapat malinaw na mapawalang-sala.
Masasabi nga na ang tunay na panalo rito ay hindi ang sinumang opisyal kundi ang sambayanang Pilipino na matagal nang naghihintay ng malinis at tapat na serbisyo sa BOC.
***
Catch Gilbert Perdez on “HIMIG AT BALITA” over DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23 every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM, followed by “DWIZ TODO BALITA” from 5:00 AM to 6:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and concerns, you may contact him via email at gil.playwright@gmail.com or at 0991-354-3676.