Advertisers
PALAISIPAN pa kung sino ang tinutukoy ng Nigeria Embassy in Manila sa umano’y isang nakaligtas na atleta ng Ateneo de Manila University (ADMU) na nasangkot din sa aksidente sa isinagawang boot camp sa Dipaculao, Aurora.
Nasawi habang nasa naturang aktibidad ang mga basketball player na sina Rene Baterbonia at Divine Adili dahil sa umano’y pagkalunod noong Hunyo 8.
Sa opisyal na pahayag ng Nigeria Embassy, batay sa impormasyong natanggap nito, ang team-building activity ng Ateneo Blue Eagles ay kinasasangkutan ng tatlong student-athlete.
“While two of the students, including Mr. Adili, tragically passed away, one student survived,” ayon sa embahada, na hindi naman nito ibinunyag ang pangalan ng nakaligtas.
Samantala, lalo naging palaisipan ang usapin dahil may nauna nang ulat mula sa Philippine National Police (PNP) Aurora na nagsasabi ng apat katao ang natangay ng malalakas na alon sa naturang insidente, iba sa pahayag ng embahada.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.