Advertisers
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang paggunita sa ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa makasaysayang Bonifacio Monumento sa Monumento, Caloocan City-South.
Dinaluhan ang programa ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, First District Representative Oca Malapitan, iba pang lokal na opisyal, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Along ang kahalagahan ng kasaysayan sa paghubog ng bansa at hinikayat ang kabataan na lampasan pa ang mga naabot ng nakaraang henerasyon upang maisakatuparan ang mga pangarap ng mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan.
“Ngayong Araw ng Kalayaan, alalahanin nating lahat na ang tinatamasa nating kapayapaan, kalayaan, at pagpapahalaga sa ating mga karapatan ay utang natin sa mga bayaning kagaya ni Gat Andres Bonifacio na inialay ang lahat dahil umasa sila sa isang magandang kalagayan para sa ating bansa,” ani Mayor Along.
Nanawagan din siya sa mga kabataang Pilipino, partikular sa mga Batang Kankaloo, na magsikap at makibahagi sa pagtataguyod ng mas maunlad na kinabukasan para sa bansa.
“Sa lahat ng kabataang Pilipino, lalo na ang mga Batang Kankaloo, magsumikap tayong lahat na dalhin ang Pilipinas sa isang kinabukasan na pinapangarap lang noon ng mga bayaning nauna sa atin,” dagdag ni Mayor Along.
Samantala, hinamon din ng alkalde ang kapwa niya mga lingkod-bayan na maging huwaran ng tunay na pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng tapat, mahusay, at malinis na paglilingkod sa mamamayan.
“Alam po nating lahat na maraming pinagdadaanan ang ating bansa simula pa nitong nagdaang taon, ngunit ang hamon ko sa lahat ng kagaya kong lingkod-bayan, tayo dapat ang maging ehemplo ng pagmamahal sa bayan at magbigay ng pag-asa sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng tapat, epektibo, at malinis na serbisyo,” pahayag ni Malapitan.
Ang taunang paggunita sa Araw ng Kalayaan sa Bonifacio Monumento ay nagsisilbing pagpupugay sa kabayanihan ng mga Pilipinong nakibaka para sa kasarinlan at paalala sa kasalukuyang henerasyon na ipagpatuloy ang kanilang mga adhikain para sa bayan.(BR)