Advertisers

Advertisers

CHUA: ‘NOT GUILTY’ KAY VP SARA PAG ‘DI HUMARAP

0 8

Advertisers

BASE sa lumang tuntunin ng Senado sa impeachment, kinakailangang humarap si Bise Presidente Sara Z. Duterte o ang kanyang legal na kinatawan sa impeachment court, o kaya’y magsumite ng pormal na sagot sa mga reklamong isinampa laban sa kanya. Kapag hindi ito nagawa, maaaring awtomatikong itala ng hukuman ang plea na “not guilty” para sa Bise Presidente.

Ito ang binigyang-diin ni Manila Representative Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability at miyembro ng House prosecution panel, sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City habang hinihintay ng mga prosecutor ang pinal na mga patakaran na gagamitin sa impeachment trial ni Duterte.

“Sa lumang rules nakasaad na kailangang humarap ang Vice President o ang kanyang abogado, o kaya magsumite sila ng sagot. Kung hindi, maaaring magpasok ng not guilty plea,” ani Chua.

Naghahanda na ang House prosecution panel para sa impeachment trial ni Duterte, na nahaharap sa mga reklamong may kinalaman sa maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at mga bantang binitiwan laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. , at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Chua, hindi pa nakikita ng prosecution panel ang kabuuan ng mga binagong tuntunin na magiging gabay sa paglilitis kaya patuloy nilang mino-monitor ang mga opisyal na ilalabas ng Senado.

“Hindi pa namin nakikita ang aktuwal na amended rules. May mga hinihintay pa rin kami,” paliwanag niya.

Inihayag din ni Chua na wala pa silang natatanggap na pormal na paanyaya o abiso kung kailan inaasahang haharap si Duterte sa impeachment court.

“Wala pa kaming natatanggap na formal invitation kung kailan a-appear ang Vice President. Iyon pa rin ang hinihintay namin,” dagdag niya.

Dahil patuloy pang tinatalakay sa Senado ang ilang usapin kaugnay ng mamumuno sa impeachment court at iba pang panloob na proseso, sinabi ni Chua na inaabangan ng mga prosecutor kung maglalabas ng panibagong mga tuntunin upang maging malinaw ang magiging takbo ng paglilitis.

Sa ngayon, aniya, ang natatanggap pa lamang nilang dokumento, may kaugnayan sa pretrial conference, kabilang ang mga isyung tatalakayin bago ang mismong paglilitis.

Nang tanungin kung sino ang maaaring magdala sa Korte Suprema ng mga usaping may kaugnayan sa paghawak ng Senado sa impeachment proceedings, sinabi ni Chua na dapat munang hayaang umusad ang proseso sa loob ng Senado.

“Huwag muna nating pangunahan ang mga senador. Maaaring pag-usapan pa nila ito at baka naman magkasundo sila,” aniya.

Dagdag pa niya, maghihintay muna ang prosecution panel sa magiging pasya at mga patakarang ilalabas ng Senado bago isipin na may umiiral nang legal na sigalot na dapat dinggin ng Korte Suprema.

Samantala, patuloy ang paghahanda ng House prosecution panel upang iharap ang kanilang kaso sa Senate impeachment court sa oras na umusad ang paglilitis. Inaasahang matatalakay at maaayos sa pretrial ang mahahalagang usapin hinggil sa mga ebidensya, testigo at mga tuntuning susundin sa paglilitis.