Advertisers
“SHIELD” ni Gen. Buslig, para sa kapanatagan ng Metro East
Para saan nga ba ang isang kalasag? Sa gitna ng labanan, ito ang panangga sa taga ng kaaway o taga pagsalba ng buhay. Ngunit sa modernong kapulisan, ang kalasag ay hindi lang dapat nakaharap sa labas at sa halip, dapat ay kaya rin nitong protektahan ang publiko mula sa panganib sa mismong loob ng sarili nitong hanay.
Ito ang esensya ng “EPD S.H.I.E.L.D.”, ang bagong itinatag na flagship program ni Police Brig. Gen. Melecio M. Buslig Jr., bagong Director ng Eastern Police District (EPD), para sa apat na lungsod ng Metro East (Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan). Ang programang ito ay dumarating sa panahong uhaw ang mamamayan sa isang tahimik at ligtas na pamumuhay.
Kung susuriin, ang S.H.I.E.L.D. ito ay may dalawang mukha
“Dual Shield” o dalawahang proteksyon na direktang tumutugon sa tunay na hiling ng masa.
Ang unang harap – kalasag ng komunidad laban sa krimen. Ito ay nakatutok sa kalsada at sa mga eskinita ng grassroots. Sa pamamagitan ng “S” (Securing Our Barangays) at “H” (High-Visibility Policing), kung saan ay nais ni Buslig na maramdaman ng mga kriminal na wala na silang puwang sa Silangang Kamaynilaan.
Ang presensya ng mga nagpapatrolyang “boots on the ground,” na sinasabayan ng makabagong teknolohiya “L” (Leveraging Technology) at mabilis na aksyon “D” (Decisive Operations), ang magsisigurong makauuwi nang ligtas ang mga manggagawa sa gabi. Ito ang pundasyon ng isang tahimik na komunidad kung saan ang mga magulang ay hindi na nagpupuyat sa kaba habang naghihintay sa kanilang mga anak, at ang mga negosyo ay malayang makapaghahanapbuhay nang walang banta ng nakatagong gulo.
Habang ang ikalawang bahagi ay kalasag ng masa laban sa “rogue cops”.
Ngunit ang mas matapang na anggulo ng programang ito ni Gen. Buslig ay ang ikalawang mukha ng kalasag—ang proteksyon laban sa mga abusadong may sagisag at uniporme.
Sa naging “Talk-to-Men” ni Gen. Buslig, sa EPD Multi-Purpose Hall, hayagang binalaan ng heneral ang mga “rogue cops” at mga scalawag.
Sa pamamagitan ng “I” (Integrity Monitoring and Internal Cleansing), ang S.H.I.E.L.D. ay nagsisilbing harang ng ordinaryong mamamayan laban sa kotong, pangingikil, at pang-aabuso ng kapangyarihan.
Alam ng heneral, gamit ang kanyang malawak na karanasan sa Intelligence at bilang dating District Director ng QCPD, na hindi mo pwedeng utusan ang mamamayan na makipagtulungan “E” (Engage and Empower Communities) kung ang tiwala nila ay dinudurog naman ng ilang tiwaling pulis. Ang paglilinis sa sariling hanay ang tanging paraan para maging matatag ang hawakan ng kalasag.
Ang binitiwang pangako ng EPD ay pagtalima sa utos ng Chief PNP, Gen. Jose Melencio C Nartatez, na maghatid ng “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.” At para maramdaman ito ng masa, kailangang sabay na gumana ang dalawang mukha ng proteksyong ito.
Ang S.H.I.E.L.D. ay hindi palamuti lang sa dibdib ng mga opisyal. Ito ay dapat maging buhay na garantiya na ang Metro East ay magiging tahimik at ligtas dahil ang mga kriminal ay tinutugis, at ang mga tiwaling pulis ay kinakalos.
Sa SHIELD ni Gen. Buslig, pangako niya’y ang kapanatagan, tahimik at mapayapang Metro East para sa mamamayan, at panagutin ang sinumang dudungis sa hanay ng pulisya.