Advertisers
Sa panahon na maraming mamamayan ang nahihirapang lumapit sa mga tanggapan ng gobyerno para humingi ng tulong, isang magandang halimbawa ang ipinapakita ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.
Sa pamamagitan ng Kaagapay Program, hindi na kailangang magpagod pa ang mga residente sa kakahabol sa ayuda dahil mismong ang gobyerno na ang lumalapit sa kanila. Ito ang mensaheng malinaw na ipinabatid ni Yorme Isko nang personal niyang pangunahan ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga taga-District 2 ng Maynila.
Kasama sina Vice Mayor Chi Atienza at mga konsehal ng distrito, personal na nakihalubilo si Yorme sa mga benepisyaryo upang tiyaking maayos at mabilis na maiparating ang tulong sa mga nangangailangan. Nitong Hunyo 13, umabot sa 1,700 residente ang nabigyan ng financial assistance sa isinagawang payout sa Reina Regente Tennis Court sa Abad Santos Avenue, Tondo.
Hindi lamang simpleng pamamahagi ng ayuda ang ipinakikita ng programang ito. Isa itong malinaw na patunay na may gobyernong handang makinig, kumilos, at maghatid ng serbisyo nang direkta sa mamamayan.
“Ito po ay isang pamamaraan natin na kung saan hindi ninyo na hinahanap ang gobyerno, iyong gobyerno ang humahanap sa inyo, kaya steady lang kayo sa gedli,” ani Yorme Isko.
Ang pahayag na ito ay sumasalamin sa uri ng pamamahalang nais niyang isulong—isang gobyernong hindi naghihintay na may kumatok sa pinto nito kundi kusang naghahanap sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong.
Sa gitna ng iba’t ibang hamon sa kabuhayan, malaking ginhawa para sa maraming pamilya ang agarang ayudang kanilang natanggap. Higit pa rito, nagbibigay ito ng kumpiyansa sa mga residente na may lokal na pamahalaang handang umalalay sa kanila sa oras ng pangangailangan.
Ang Kaagapay Program ay hindi lamang tungkol sa pera o ayuda. Ito ay tungkol sa malasakit, presensya, at konkretong pagkilos ng pamahalaan.
At habang patuloy itong umiikot sa iba’t ibang distrito ng Maynila, mas maraming mamamayan ang nakararamdam na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga pagsubok dahil may gobyernong tunay na kaagapay nila.
***
Tunay na laging kaagapay ng Batang Maynila ang mga serbisyong ramdam sa bawat distrito
Sa panahon ngayon na marami ang naghahanap ng konkretong aksyon mula sa mga opisyal ng pamahalaan, mahalagang mabigyang-pansin ang mga programang tunay na nakararating sa mga nangangailangan.
At Isa sa mga kapuri-puring halimbawa nito ay ang tuluy-tuloy na paghahatid ng tulong pinansyal at iba pang serbisyong panlipunan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim nga ng pamumuno ni Yorme Isko.
Sa likod ng maayos at mabilis na pagpapatupad ng mga programang ito ay ang masinop na pamamahala at dedikasyon ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pangunguna ni Director Jay Dela Fuente.
Sa pamamagitan ng kanyang liderato, natitiyak na ang mga financial assistance at iba pang tulong na ipinagkakatiwala ni Yorme Isko ay naihahatid sa tamang benepisyaryo at sa tamang panahon.
Hindi biro ang trabahong ito. Araw-araw ay daan-daan, kung hindi man libu-libong Manileño ang lumalapit sa City Hall upang humingi ng ayuda para sa pagpapagamot, pag-aaral, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ngunit sa kabila ng dami ng mga kaso at kahilingan, nananatiling organisado at episyente ang sistema ng MDSW sa ilalim ni Director Dela Fuente.
Higit na kahanga-hanga ang pagpapatupad ng Kaagapay Program, isang programang hindi lamang nakasentro sa pagbibigay ng ayuda kundi sa personal na pag-abot ng serbisyo sa mga mamamayan.
Sa pamamagitan nito, mismong si Yorme Isko ang bumababa sa mga distrito ng Maynila—mula District 1 hanggang District 6 — upang personal na makita at marinig ang kalagayan ng kanyang mga kababayan.
Sa bawat pagbisita, hindi lamang mga numero sa listahan ang kanyang nakakaharap kundi mga totoong tao na may kanya-kanyang pinagdaraanan.
Nariyan ang mga batang may malulubhang karamdaman, mga batang nangangailangan ng espesyal na atensyon, mga naka-wheelchair, at mga pamilyang halos hindi na malaman kung saan kukuha ng pambayad sa gamot at pang-araw-araw na gastusin.
Sa halip na hintayin pa ang mga ito na magpunta sa City Hall, ang serbisyo na mismo ang lumalapit sa kanila. Ito ang tunay na diwa ng mabuting pamamahala—ang pagdadala ng gobyerno sa mismong pintuan ng mamamayan.
Malaki ang naging papel ni Director Dela Fuente sa tagumpay ng programang ito. Sa maayos na koordinasyon ng MDSW, nagiging sistematiko ang pagtukoy sa mga nangangailangan ng agarang tulong.
Ang resulta: mas maraming pamilya ang naaabot at mas maraming batang Maynila ang nabibigyan ng pag-asa.
Sa panahon na madalas ay nakatuon ang pansin ng publiko sa mga isyung pulitikal, mahalagang kilalanin din ang mga opisyal at kawani na tahimik ngunit masigasig na nagtatrabaho para sa kapakanan ng mga mamamayan. Ang serbisyong panlipunan ay hindi lamang nasusukat sa dami ng perang naipamamahagi kundi sa dami ng buhay na nabibigyan ng pagkakataong bumangon.
Patunay ang Kaagapay Program na kapag nagtutulungan ang liderato at mga tagapagpatupad ng programa, nagiging posible ang serbisyong may malasakit.
Sa pamumuno ni Yorme Isko at sa masusing paggabay ni Director Jay Dela Fuente, patuloy na nararamdaman ng Batang Maynila na may gobyernong handang makinig, umalalay, at umagapay sa oras ng pangangailangan.
At sa huli, ang pinakamahalagang tulong na naibibigay ng pamahalaan ay hindi lamang salapi o materyal na bagay. Ito ay ang pag-asang may gobyernong tunay na nagmamalasakit—isang gobyernong hindi nakikita lamang sa mga opisina kundi aktibong lumalapit sa mga taong higit na nangangailangan ng kalinga at suporta.
Ang ganitong uri ng serbisyo ang nararapat na maging huwaran sa buong bansa.
***
Para sa inyong mga suhestyon reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.