Advertisers
By Anne Venancio
Usap-usapan ang guest appearance ni Heart Evangelista sa GMA Comedy game show na The People Have Spoken, matapos niyang magbitaw ng mga pabirong hugot tungkol sa pag-ibig at personal na desisyon sa buhay.
Sa episode na umere nitong Sabado, June 20, napunta ang diskusyon sa tanong kung ano ang mas mahalagang basehan sa pagpili ng karelasyon—ugali o yaman.
Pinili ng Team ChanSu nina Chanty Videla at Sugar Mercado ang ugali. Biro pa ni Sugar, galing siya sa mayaman pero hindi ito naging garantiya ng personal growth, na agad ikinatawa ng studio audience.
Samantala, yaman naman ang naging sagot ng Team Kebab nina Kevin Montillano at Euleen “Yobab” Castro, na may pabirong banat na mas masarap umiyak “sa yate kaysa sa bus.”
Mas lalo namang umagaw ng eksena si Heart nang magbigay siya ng kanyang opinyon. Diretsahan niyang sinabi: “Kaya kong mabuhay. Maganda naman ako… kaya kitang buhayin,” na ikinagulat at ikinatawa ng audience.
Idinagdag pa ng aktres na mas pinahahalagahan pa rin niya ang ugali kaysa materyal na bagay, at nagbahagi rin ng nakakaaliw na karanasan mula sa kanyang past relationship.
Sa huli, nanaig ang sagot na “ugali” batay sa boto ng audience, kaya nakakuha ng puntos ang Team ChanSu.
Patuloy namang hatid ng The People Have Spoken ang kwelang usapan, hugot moments, at audience-driven na kasiyahan tuwing Sabado sa GMA.