Advertisers

Advertisers

Pagtakas sa batas ng mga kriminal, basag sa QCPD

0 16

Advertisers

DITO sa Metro Manila, ang Quezon City ang maituturing na isang napakalaki at masiglang lungsod kung saan tahanan ito ng mahigit sa tatlong milyong mamamayan.

Kung susuriin, ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa isang dambuhalang lungsod ay walang-tulog na tungkulin. Ngunit, sa kabila ng lahat ay muling pinatunayan ng Quezon City Police District (QCPD), sa ilalim ng pamumuno ni District Director PBGen. Randy Glenn Silvio, na walang kriminal ang maaaring magtago ng habambuhay sa mahabang kamay ng batas.

Ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lungsod ay sinasalamin ng mga numero mula sa pinakahuling isang linggong operasyon ng QCPD (Hunyo 21 hanggang 27, 2026) ang bigat ng kanilang tagumpay, gaya ng pagkakaaresto sa 181 indibidwal na winalis sa mga lansangan sa isang malawakan opensiba laban sa ilegal na droga, sugal, loose firearms, at mga pugante.

Ngunit higit sa mga kahanga-hangang istatistikang ito, ay ang pagbigay ng hustisyang pangkasaysayan na idinulot nito partikular na ang pagkaaresto kay alyas “Pablo”, ang suspek sa pagpatay at nagawang magtago sa loob ng 32 taon pero, natunton siya ng Payatas Bagong Silangan Police Station 13. Bukod pa sa pagkakdakip kay alyas “Eusebio,” na 22 taon naman nagtago para sa frustrated murder, at si alyas “Antonio,” na 12 taong pinaghahanap dahil sa grave threats.

Ang tanong, ano ang ipinahihiwatig ng mga pag-arestong ito sa mga “QCitizen”? Mensaheng hatid ng matagumpay na operasyon ay nagpapatunay na hindi binubura ng panahon ang krimen, at hindi nakalilimot ang QCPD.

Kadalasan, pinagdududahan ng mga kritiko kung ang mga kampanya ng pulisya ay pakitang-tao lamang. Subalit, ang pagtunton sa mga puganteng nagtago sa loob ng dalawa hanggang tatlong dekada ay nangangailangan ng masusing intelligence work, pasensya, at isang sistemang tumatangging hayaang matulog ang mga lumang kaso.

Sa ipinapakitang dedikasyon ng QCPD laban sa mga kriminal, karapat-dapat na pasalamatan at saluduhan ang pamumuno ni Silvio para mapanatili ang seguridad sa lungsod. Sa mga operasyon ito, pinatunayan lamang ng QCPD na ang pulisya ay walang kinatatakutan o kinikilingan. At, sistematikong binabasag ng QCPD ang kaisipan ng mga kriminal na kaya nilang takasan ang batas.