Advertisers
BINUWELTAHAN ni Senador Rodante Marcoleta si Ombudsman Jesus Crispin Remulla kasunod ng pahayag na magsasampa ng kasong plunder laban sa una ngayong linggo.
Ayon kay Marcoleta, matagal nang plinano at trinabaho umano ng ilang indibidwal ang pag-aresto at pagpapakulong sa kanya.
Gayunman, iginiit ni Marcoleta na wala siyang ginawang mali at ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya ay may kaugnayan sa isinagawa niyang imbestigasyon sa mga flood control project noong siya pa ang namumuno sa Blue Ribbon Committee.
Una nang inihayag ni Remulla na nakatakdang magsampa ngayong linggo ng kaso sa Sandiganbayan laban kay Marcoleta kaugnay ng umano’y hindi nito idineklarang campaign contributions na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P75 milyon.
Ayon sa Ombudsman, inamin umano ni Marcoleta sa mga panayam na tumanggap siya ng P75 milyong campaign donations.
Gayunman, hindi umano ito naitala sa kanyang 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa kanyang kandidatura sa Senado noong 2025.
Sinabi rin ng Ombudsman na ang donor’s tax para sa naturang P75 milyon ay nabayaran lamang noong Disyembre 2025.
Ang naantalang pagbabayad ay maaaring magpahiwatig umano ng pagtatangkang itago ang naturang donasyon. (Mylene Alfonso)