Advertisers
Nagharap at nagtagisan ng galing sa unang pagkakataon na nasilip ng bayan ang mga taga-usig at tagapagtanggol sa usapin ng pagpapasipa sa abalang pangulo ng bansa. Walang kumukurap sa unang sigwa at naghamon ang depensa na kaagad iharap ang unang saksi laban sa pagpapasipa kay Inday Salakay. Sa paghahamon ng depensa, hindi pinalagpas ng taga-usig na sinabihang sala ang galaw sa dahilang wala sa poder na utusan ang mga taga-usig upang iharap ang unang saksi na sinang-ayunan ng punong tagapagpaganap. Wala pa ang pagdinig sa usapin, silip na angat sa galing at karanasan ang mga taga-usig na sinopla ang tagapagtanggol ng depensa sa salpukan ng mga pahayag. Ganap na nakakasabik na tanawin higit ang husay ng mga taga-usig sa paglalahad ng tindig higit sa pagbanggit ng mga sakdal na haharapin ng abalang pangulo.
Malayo ang lakbayin ng paglilitis sa hukuman ng senado ngunit tulad ng mainit na panahon ang talastasan ng mga bawat panig na ‘di palalagpasin ang ano mang pahayag ng magkabilang panig at kailangang ipaliwanag o maliwanag ang bawat bibitiwang salita na magbibigay diin sa bawat pahayag na ‘di karaniwang kaalaman ng mga Pinoy na nanonood sa pagdinig. Masalimoot ang nagaganap ‘di lang sa pagtatagisan ng galing higit sa tulad ni Mang Juan na karaniwang mamamayan na nanonood o nakikinig sa talastasan. Hirap gagapin ang mga salitang binibitawan ng mga magkabilang panig upang harangin o bigyan diin ang punto ang pagpapaliwanag. Hindi inaalis ang paggamit ng wikang banyaga sa pagdinig ngunit mainam na maunawaan ng tao sa laylayan na nagmamasid o nanonood sa kani-kanilang tahanan ang paggamit ng payak na salita higit sa pagtutol o pag-ayon sa mga puntong pinagtatalastasan, pwede ba?
Sa totoo lang, maganda ang tagisan ng galing ng mga abogado ng magkabilang panig at umaayon na dapat mabatid ng bayan ang mga usaping pinag-uusapan. Higit ang punto ng tagapagtangol hinggil sa bilang o dami ng bumoto sa abalang pangulo na higit sa 32 M Pinoy noong halalang ‘22. Malinaw ang punto ng depensa na dapat mamulat ang tao higit ang 32 M bumoto sa abalang pangulo hinggil sa usaping nasa harap. Sa totoo lang, nailahad ang pakay ng pagpapanagot sa abalang pangulo, apat na dahilan na dapat sagutin ng abalang pangulo sa kagalingan ng mga bumoto at ng buong bansa. Ang 32 M Pinoy na bumoto at ibinigay ang tiwala sa abalang pangulo’y umasa sa malinis na pamamahala sa mga tanggapang pinamunuan. Muli, umaasa na pasusubalian ng abalang pangulo ang akusasyon o paratang at pananatilihin na walang dungis ang pagtitiwalang ibinigay. Ang humarap ng walang takot ang inaasahan sa abalang pangulo bilang patunay na ‘di nagkamali ang 32 M nagluklok bilang abalang pangulo ng bansa, maasahan ba Inday Salakay?
Marubrob ang simula ng pagdinig na kagyat na nauwi sa palitan ng mainit na pahayag ng magkabilang panig higit ang ibig ng taga-usig na paharapin ang nasasakdal sa banggit na hukuman, na mariing tinutulan ng depensa. Ganap na pagpapahayag ng umuusig bilang bahagi ng tindig na dapat harapin ng nasasakdal ang usapin na kagyat na tinutulan ng abogado o depensa. Sa pagdinig, silip na walang malayang pagpapahayag ang magaganap at magiging mainit ang talastasan sa tindig ng bawat panig upang patunayan o pasubalian ang usapin sa harap. Muli, bawal ang kukurap na maaaring ikapahamak ng tindig sa o ng magkabilang panig.
Hindi ibig pag-usapan ang detalye ngunit sapat na mabatid ng bayan na sumulong ang usapin ng pagpapasipa sa abalang pangulo na larawan na gumagalaw ang demokrasya sa bansa. Tunay na naiibigan ang talastasan sa usapin na kinapupulutan ng kaalaman at umaasang lalabas ang katotohanan sa likod ng talastasan. Sa totoo lang, batid na ‘di ganap na usapin legal ang nasa harap ng bayan higit sa punto na makakarating sa pagpapasya ng mga senador na hukom. Ang nagaganap na mga talastasan na mukhang usaping legal ang siyang tahakin ngunit uulitin, ang naka-pakong kaisipan sa pagpapasya’y nakaukit sa isip ng mga hukom higit kung kakampi o katungali ng opisyal na nasasakdal. Hindi mahalaga sa mga magpapasya ang malalim na legal na usapin, higit sa mga kaalyado na ang mapakita at mapasubalian ang mga akusasyon ay sapat na sa mapawalang sala ang abalang pangulo. Habang sa kabilang dako, ang mabatid ang salang gawa ng abalang pangulo, ang pagpapasipa’y ‘di pahahabain at kara-karaka ang pagpapasya ng sala. Sa totoo lang, sa huli bayan ang magsasabi na may sala si Inday Salakay ano man ang pasya ng hukuman ng senado.
Sa totoo lang, magkahalo ang nadadama sa kaganapan, nasisiyahan sa punto na napupulutan ng aral na nagbubukas sa bagong kaalaman. Samantala, ang salang paggamit ng salaping bayan ng mga opisyal ng bayan maging sa pinakamataas o pinaka mababa’y kailangan ng ganap na kalungkutan na dapat panagutin. Ang tamang paggamit sa salaping bayan ng mga opisyal ng pamahalaan, ang bigyan ng parangal ang kaakibat na dapat igawad, ang tamang gawa gantimpala ang katapat. Habang sa kabila, ang salang gawa kulungan ang pupuntahan tuwiran o ‘di tuwirang salapi ng bayan ang nilapastangan.
Bilang panghuli, maraming pagkakataon na naganap ang pagpapasipa sa mga opisyal ng bansa ngunit higit na lumalala ang paglabag sa mga tuntunin ng marangal na paglilingkod. Sa kasalukuyan, umaasa na mapapatid ang masakit na masabit sa mga salang gawa na sumisira sa ngalan ng opisyal na nasasangkot sa salang gawa. Sa gumaganap bilang mga taga-usig, taga pagtanggol o hukom sa katiwalian ang ‘di ibig masilip sa kinabukasan na larawan na ‘di natututo ang mga opisyal ng bayan. Linisin sa sistema ng mga opisyal ng bayan ang katiwalian at unahin ang kagalingan ng bayan. Isapuso at unahin ang malinis, marangal na paglilingkod sa kagalingan ng tao sa laylayan. Sa totoo pa rin, natatangi ang bansa na sagana sa iba’t ibang likas yaman, subalit ‘di mapakinabangan ng tao sa laylayan dahil sa kasakiman ng iilan. Tutol at ‘di ibig ang kahilingan nang maraming Pinoy na muling sakupin ang bansa ng ibang lahi ng makakaahon sa kahirapan.
Sala ang ibig ng iilan sa una, ngunit higit ang sala ang mga lider na una ang sarili at sa pagdating ng pagkakataon, lilitisin sa usapin ng katiwalian dahil pangungurakot sa kabang bayan. Tumigil na kayo.
Maraming salamat po!!!