Advertisers
Ni BETH GELENA
NAKATANGGAP umano ng mga reklamo ang seryeng Sigabo ni Coco Martin dahil sa umano’y labis o paulit-ulit na pagpapakita ng karahasan.
Ayon sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), nakatanggap ang ahensya ng mahigit 10 reklamo mula nang mag-premiere ang serye noong Hunyo 22.
Ang mga reklamo ay tumutukoy sa paulit-ulit na mararahas na eksena, suntukan at torture, at masasamang pananalita.
Dahil dito, pinadalo ang production team ng Sigabo sa isang compliance seminar sa ilalim ng programang ‘Responsableng Paggabay’ ng MTRCB.
Layunin ng ahensya na ipaalala ang mga pamantayan sa content at hindi ito awtomatikong nangangahulugang may ipinataw na parusa. Sinabi naman ng kinatawan ng CCM Film Productions na positibo nilang tinanggap ang dayalogo ng MTRCB at nangakong magiging mas maingat upang matiyak na sumusunod ang mga susunod na episode sa mga alituntunin ng ahensya.
Sa ngayon, wala pang anunsyo na suspendido o ipinatigil ang pagpapalabas ng Sigabo. Malinaw na ang isinagawa ay compliance seminar lamang at hindi suspensyon o pagbabawal.