Advertisers

Advertisers

2027 Nat’l Expenditure Program, aprub na kay PBBM

0 5

Advertisers

Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) sa isinagawang Cabinet meeting sa Malacañang nitong Biyernes, Hulyo 10.

Ayon kay Acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, iniharap ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang badyet sa Pangulo at sa mga miyembro ng Gabinete bago ito tuluyang aprubahan.

Ang NEP ang nagsisilbing pangunahing plano ng pamahalaan kung saan nakasaad ang mga programa, proyekto at aktibidad na paglalaanan ng pondo sa susunod na taon. Ito rin ang magiging batayan sa paghahanda ng General Appropriations Bill (GAB) na tatalakayin ng Kongreso.

Nakapaloob sa panukala ang mga kinakailangang pondo ng bawat departamento at ahensya ng gobyerno upang maisakatuparan ang kani-kanilang mga programa at proyekto sa 2027.

Gayunman, hindi muna ibinunyag ni Gomez ang kabuuang halaga ng inaprubahang panukalang badyet at iba pang detalye nito.

Aniya, nais niyang ipaubaya kay PBBM ang opisyal na pag-aanunsyo ng mga ito.

Nakatakdang isumite ng Pangulo sa Kongreso ang 2027 National Expenditure Program sa Agosto 14, 2026, dalawang linggo matapos ang kanyang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27. (Gilbert Perdez)