Advertisers
SINABI ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong nitong Linggo na ang susunod na testigo ng prosekusyon sa impeachment trial ay maglalahad ng resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagbabanta ni Vice President Sara Z. Duterte. Gayunman, tumanggi siyang talakayin ang nilalaman ng testimonya bago ito iharap sa Senado.
Nakatakdang tumestigo ngayong Lunes si Atty. Jeremy Lotoc, kasalukuyang Regional Director ng NBI sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa muling pagbubukas ng paglilitis sa impeachment.
Sa panayam sa programang ‘Isyung Pambayan’ ni veteran broadcaster Milky Rigonan sa dzRH, sinabi ni Alonto Adiong na ang testimonya ni Lotoc ay magsisilbing karugtong ng naging pahayag ng unang testigo ng prosekusyon na si NBI Senior Agent John Mark Calilung.
Nauna nang pinatunayan ni Calilung ang pagiging tunay ng mga video recording at iba pang digital evidence na may kaugnayan sa pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kungsaan sinabi nito na nag-utos siya ng isang hitman upang patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Samantala, inaasahang ilalahad ni Lotoc ang naging resulta ng imbestigasyon ng NBI hinggil sa naturang mga pagbabanta.
“Si Mr. Calilung, siya ang nag-authenticate nitong video. Si Atty. Lotoc naman ang magbibigay sa atin ng resulta kung ano ang naging imbestigasyon nila,” ani Alonto Adiong.
Gayunman, tumanggi ang mambabatas na magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa natuklasan ng NBI dahil sa umiiral na sub judice rule, na nagbabawal sa pagtalakay sa mga usaping nakabinbin pa sa korte.
“Ang masasabi ko lang po, ipagpaumanhin ninyo dahil isa po iyan sa mga pag-uusapan. Mayroon po tayong sub judice rule. Kapag hindi pa ito nailalatag sa korte, hindi pa natin maaaring pag-usapan ang magiging laman o merito ng testimonya ni Atty. Lotoc,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Alonto Adiong, nais ng House prosecution na igalang ang proseso ng impeachment court at hayaang ang Senado ang unang makarinig sa magiging testimonya ni Lotoc.
“Hindi muna kami magbibigay ng mas maraming detalye dahil nais din naming igalang ang korte. Iyan ang magiging partisipasyon niya sa pagdinig sa darating na Lunes,” dagdag niya.
Magpapatuloy sa Lunes ang House prosecution sa paghaharap ng mga ebidensya kaugnay ng reklamong impeachment laban kay Vice President Duterte, na nakabatay sa alegasyong gumawa siya ng grave threats sa kanyang online press briefing noong Nobyembre 23, 2024.