Advertisers
HABANG ipinagmamalaki ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagkalansag ng Malabon-Navotas at Batangas City Paihi/ Buriki Connection ay ipinagyayabang naman ng isang alyas Bunny na kilala din sa alyas na Sgt. Mercado na protektado ng ilang pulis Ibaan at government official ang kanilang pasingaw at paihi operation.

“Malaki man o maliit ang operasyon, walang puwang ang mga ilegal na gawaing nakakaapekto sa kabuhayan ng ating mga mamamayan at ekonomiya ng bansa. Patuloy tayong kikilos ng patas, ayon sa batas at karapatan ng bawat isa. Kapag nagtutulungan ang pulisya at ang publiko, mas mabilis nating matutugunan ang mga paglabag sa batas, ipagpatuloy natin ang pagbibigay ng impormasyon sa tamang awtoridad upang sama-sama nating mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng ating mga komunidad”, ang pahayag ng magiting na pinuno ng PNP kaalinsabay sa pagkadakip sa pito-katao sa karagatan ng Batangas sa serye ng raid noong July 9 – July 10.
Bukod sa pagka-aresto sa mga suspek na kinilala lamang sa kanilang mga alyas ay nakumpiska din ng magkasanib na elemento ng CIDG Region 4A at Batangas CIDG Provincial Office ang halos 32,000 litro ng krudo na may market value na mahigit sa Php 62M, malalaking plastic container, marked money kasama ang isang tugboat na pinagkargahan ng hinihinalang nakaw na produktong petrolyo na inaaalam pa ang origin. Nasa kustodiya ng Batangas PNP Maritime Command ang tugboat ng sindikato.
Pinaniniwalaang ang naturang grupo ay konektado sa Malabon-Navotas syndicate, Ibaan pasingaw/paihi at Carmona paihi/pasingaw group ng Zigzag Road, Brgy. Bancal, Carmona City.
Ang Ibaan pasingaw/paihi syndicate na pinopondohan ng isang Chinese military spy at pinapatakbo ng isang nasibak sa serbisyo na alyas Sgt. Bunny na may alyas ding Sgt. Mercado ay naka-pagpapasingaw ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) mula sa mga capsule truck na naisasalin sa daan-daang mga empty LPG tank.
Nasisipsip at napapatulo din ng mga armado ng baril na alipores ni alyas Sgt. Bunny alyas Sgt. Mercado ang mga produktong petrolyo mula sa mga tanker truck bago dumiretso sa kanilang original destination na di tinitinag ng mga elemento ng Ibaan Police sa ilalim ni Major Cuasay at Batangas PNP Provincial Office sa pamumuno ni Col. Oliver Ebora.
Naunang sinalakay ng mga elemento ng CIDG-NCR sa karagatan ng Brgy. Concepcion, Malabon City ang Malabon-Navotas Syndicate sa kooperasyon ng mga local official ng Malabon at Navotas.
Apat katao ang naaresto ng mga operatiba ni CIDG-NCR Chief Col. John Guagui at nakumpiska ang mahigit sa Php 20M na produktong petrolyo na tinangkang isalin ng sindikato mula sa isang tugboat sa nag-aabang na tanker truck sa naturan ding barangay.
Pawang sinampahan na ng mga kaukulang kaso ang mga arestadong suspek sa magkahiwalay na tanggapan ng piskalya ng Malabon City at Batangas City. Saludo ang SIKRETA kay Col. Guagui at sa mga operatiba nito sa CIDG-NCR!
Matagal nang inirereklamo ng mga taga Ibaan at mga kanugnog na komunidad ang mapanganib na operasyon ng pasingaw at paihi nina alyas Sgt. Bunny aka Sgt. Mercado at ng babaeng Chinese military spy sa kuta ng mga ito sa may Ibaan Exit na 300-500 metro lamang ang layo sa STAR Tollway.
Nakadidismayang balewala ang mga reklamong ito. Hindi umaaksyon sina Col. Ebora, Mayor Casas at Major Cuasay. Kilalang action man ang bagong PNP Region 4A Acting Dir. BGen. Dominic Baccay. Ito na ang tamang pagkakataon na ipakita ang kanyang dedicated service sa mga mamamayan. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144