Advertisers

Advertisers

Typo error sa subpoena at affidavit sa imbestigasyon sa pagbabanta ni VP Sara, inamin ng NBI

0 3

Advertisers

AMINADO ang National Bureau of Investigation (NBI) na may mga typographical error o pagkakamali sa pagta-type sa subpoena at affidavit of investigation na inilabas kaugnay sa umano’y mga pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Inamin ni Atty. Jeremy Lotoc, NBI regional director sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na parehong maling nalagyan ng petsang Nobyembre 6, 2024 ang subpoena at affidavit of investigation.

Iniharap si Lotoc ng House prosecution bilang ikalawang testigo upang magbigay testimonya kaugnay sa Article IV ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa mga umano’y seryosong pagbabanta at planong pagpaslang kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.



Dating nagsilbi si Lotoc bilang chief ng NBI Cybercrime Division, na nagsagawa ng imbestigasyon sa ginanap na online press conference ni Duterte noong hatinggabi ng Nobyembre 2024; sa nasabing okasyon, sinasabing sinabi niyang kumuha siya ng isang upahang mamamatay-tao upang paslangin ang Pangulo, ang First Lady, at si Romualdez sakaling siya mismo ay paslangin.

Nilinaw niya na ang affidavit of investigation ay dapat na may petsang Disyembre 11, 2024.



“I believe so, Your Honor. Ang intention namin is 11 December 2024,” wika ni Lotoc sa Senate impeachment court sa ika-apat na araw ng impeachment trial ni Duterte.

Kinuwestiyon naman ni Senator-judge Imee Marcos ang timeline ng imbestigasyon ng NBI kung saan tinanong niya kung bakit naglabas umano ang ahensya ng subpoena sa ABS-CBN noong Nobyembre 6, 2024 upang humingi ng kopya ng late-night online press conference ni Duterte, gayung inatasan lamang ang NBI na imbestigahan ang insidente noong Nobyembre 23, 2024.



“I believe that’s a typo, ‘yung date. Kasi makikita doon ‘yung date ng appearance ng taga-ABS-CBN, which is consistent sa ibang taga-media,” sabi ni Lotoc.

Binigyang-diin din ni Marcos na ang naturang petsa ay lumitaw sa affidavit of investigation na nilagdaan ni Lotoc.

Iginiit naman ng kampo ng depensa ni Duterte na ang naturang pagkakaiba ay hindi lamang isang simpleng typographical error, kundi isang mahalagang usapin.

Ayon sa depensa, ang parehong petsa ay lumitaw rin sa mga footnote ng affidavit ng imbestigasyon, kaya anila ay hindi ito maaaring ituring na karaniwang pagkakamali lamang. (Mylene Alfonso)