Advertisers
NANANATILING nakatutok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamahala sa kabila ng pagbuti ng kanyang satisfaction ratings ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang Pangulo ay hindi nagdiriwang o nag-aalala tungkol sa mga numero ng survey, idiniin na ang paghahatid ng mga serbisyo ng gobyerno ay nananatiling kanyang prayoridad.
“Ang Pangulo ay hindi po apektado ng numero, tumaas iyan, bumaba iyan. Ang focus ng Pangulo ay magtrabaho. Kung ano ang kailangan maipaabot sa ating mga kababayan, iyon po ang gagawin ng ating Pangulo at ng administrasyon na,”ayon kay Castro sa isang pressbriefing sa Malakanyang.
Idinagdag niya na habang hindi binabalewala ang mga survey, pangunahing nagsisilbi itong gabay para sa mga miyembro ng Gabinete sa pagtukoy ng mga lugar na nangangai- langan ng higit na pansin.
“Hindi iyan dini-disregard at ito naman ay nakikita rin ng mga miyembro ng Gabinete. Ano ang dapat na i-push, ano ang dapat na pagtuunan ng pansin.
“Pero ang Pangulo, gumanda man o hindi gumanda ang survey, hindi po siya maapektuhan nito ,” ayon pa kay Castro.
Napag-alaman sa survey ng SWS noong Hunyo 20 hanggang 29 na 38 porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nasiyahan sa pagganap ng Pangulo, 45 porsiyento ang hindi nasisiyahan, at 17 porsiyento ang hindi nagdesisyon.
Sinabi ng SWS na bumaba ang dissatisfaction mula sa 49 percent noong Marso, habang ang satisfaction ay tumaas mula sa 33 percent. (Vanz Fernandez)