Advertisers
IGINIIT ni Senador Panfilo Lacson na kawalan ng dalawang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang hindi pagdalo sa susunod na pagdinig ng Senado hinggil sa mga anomalya sa ahensya.
Ito ay matapos na abisuhan ng doktor si PhilHealth president at chief executive officer Ricardo Morales na mag-leave of absence dahil mayroon itong lymphoma.
Ayon sa senador, hindi kawalan ng senado kung hindi makadadalo ang dalawang opisyal dahil sila ang hindi makakasagot sa mga isyung ihahayag ng mga resource persons lalo pa’t may hawak na mga dokumento ang Senado na magpapakita ng anomalya sa PhilHealth.
“Ang magiging epekto nito, sa PhilHealth… It’s their loss. Ang alam ko, may mga bagong sasabihin ang mga resource persons. Tapos may bago kaming documents na medyo incriminating,” ani Lacson.
“So kung di nila ito masasagot during the hearing, kaya sinasabi ko hindi kawalan ng Senado yan. Of course kawalan din namin kasi isang side lang marinig namin. Pero mas kawalan nila yan kasi hindi nila masasagot,” wika ng senador.
Gayunman, umaasa si Lacson na malalabanan ni Morales ang sakit nito at ipinagdarasal din ang kanyang paggaling.
Bukod kay Morales, nagsumite ng liham si PhilHealth executive vice president and CEO Arnel de Jesus kay Senate President Vicente Sotto III na hindi ito makakdalo sa Senate hearing dahil sa isang medical emergency.
Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee of the Whole sa Martes, August 11 para busisiin ang alegasyong korapsyon sa state health insurer. (Mylene Alfonso)