Advertisers
INIHAIN ng special panel investigators mula sa Office of the Ombudsman ang isang supplemental complaint kungsaan inirekomenda ang pagsasampa ng iba’t ibang kasong kriminal laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Cong. Zaldy Co, at iba pang indibidwal.
Ito ay kaugnay ng ilegal na pagkamal ng tinatayang P56 bilyon mula sa mga transaksyon ng pamahalaan sa pagitan ng taon 2022 at 2025 sa pamamagitan ng mga infrastructure at flood control projects, batay sa nakalap ng Abante na kopya ng 104-pahinang supplemental complaint ng Ombudsman.
Naglalaman ang supplemental complaint ng mga bagong nakuhang documentary at testimonial evidence, kabilang ang umano’y mga cash delivery, salaysay ng mga testigo, at mga corporate transaction na sinasabing magpapatibay sa mga reklamong isinampa laban kina Romualdez, Co, at iba pa nilang kapwa respondent.
Isinalarawan dito ang mekanismo ng pagpasok ng flood control projects sa National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Act (GAA), gayundin ang proseso ng pag-apruba, bidding, at implementasyon ng mga proyekto na umano’y ginamit sa kickback scheme.
Isa sa mga pangunahing ebidensyang binanggit ay ang testimonya ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Engr. Roberto Bernardo, na naglahad kung paano isinasagawa ang pagpopondo sa mga proyekto at ang pag-aayos ng mga “commitment” o kickback.
Nakapaloob din dito ang mga alegasyon ng paulit-ulit na pagdadala ng mga maleta na may lamang salapi sa mga ari-ariang iniuugnay kay Romualdez, kabilang ang mga lokasyon sa Forbes Park sa Makati, Horizon Homes sa Bonifacio Global City, Aguado Street sa Maynila, at Valley Verde sa Pasig.
Batay sa dokumento, hinihiling ng mga imbestigador ng Ombudsman na sampahan ng kasong plunder sina Romualdez at Co, gayundin si Jocelyn Sereno, at iba pang hindi pa nakikilalang John at Jane Does
Ito ay dahil sa sabwatan upang magkamal ng yaman sa pamamagitan ng diversion at misuse ng public funds at pagtanggap ng hindi nararapat na benepisyo mula sa mga transaksyon ng gobyerno.
Bukod sa plunder, hiniling din sa Ombudsman na sampahan sina Romualdez at Co ng kasong direct bribery at paglabag sa Sections 3(a) at 3(b) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Hiniling din ng reklamo na sampahan si Romualdez ng kasong indirect bribery, habang ang ilang iba pang respondent ay inirekomendang kasuhan bilang mga accomplice sa mga nabanggit na krimen.
Kasama rin sa reklamong inihain ang kasong money laundering laban kina Romualdez at Atty. Jose Raulito Paras dahil sa pagtatago at paglalaba ng pinaghihinalaang nalikom na iligal na pondo.
Inirekomenda rin ang pagsasampa ng kasong money laundering laban kina Jocelyn Sereno, Hermogene Real, D.S. Tantuico & Associates, ilang opisyal ng Samchan Foreign Exchange Corporation, at iba pang respondent dahil sa pagtulong sa money laundering activities.