Advertisers
NASAWI ang 8-anyos Grade 3 pupil dahil sa brain failure at traumatic brain injury, ilang araw nang hampasin umano ng notebook sa ulo ng isang kaklaseng lalaki sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Davao City.
Nangyari ang insidente ng Biyernes, Hulyo 17, nang mag-away ang dalawang bata, ayon sa paunang im-bestigasyon ng Sta. Ana Police Station.
“Nangyari daw po ay nag-away ang dalawang bata. Allegedly, hinampas ng subject ‘yung batang babae ng notebook sa ulo. As of this time, ito palang po ang confirmed talaga na ginawa nung batang lalaki sa batang babae wherein inamin niya sa teacher na hinampas niya talaga ng notebook ‘yung babae,” ayon kay Sta. Ana Police Station chief Major Marc Hedssel Culaste.
Nauna nang lumabas sa mga ulat na tatlong kaklase ang sangkot sa pananakit sa biktima. Gayunman, sinabi ng pulisya na ang kumpirmado pa lamang sa kanilang imbestigasyon ay ang paghampas ng notebook sa ulo ng bata ng isang kaklaseng lalaki.
Matapos ang insidente, nakaramdam ng pananakit ng katawan at ulo ang batang babae. Dinala siya sa Southern Philippines Medical Center noong Martes, Hulyo 21, ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas kinahapunan.
Batay sa paunang pagsusuri ng doktor, brain failure at traumatic brain injury ang sanhi ng pagkamatay ng bata. Nauna ring naiulat na ginagamot siya dahil sa namuong dugo sa ulo.
“So, ang initial findings ng physician, meron silang referral letter, cause of death po is brain failure and traumatic brain injury. As of this the moment, meron pa kaming hinihintay na medical findings report ng health institution wherein result ng ultrasound kasi pina-ultrasound din ang tiyan ng bata,” sabi ni Culaste.
Hinihintay pa ng mga awtoridad ang karagdagang medical findings at resulta ng pagsusuri sa mga labi ng biktima upang matukoy ang buong dahilan at mga pangyayaring humantong sa kanyang pagkamatay.
Pormal na iniulat ng ina ng bata ang insidente sa pulisya noong Miyerkules, Hulyo 22. Sinabi rin ng ina sa Sta. Ana Police Station na matagal nang nakararanas ng bullying sa paaralan ang kanyang anak.
Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya para sa pagkamatay ng bata.
Samantala, sinabi ng Department of Education-Davao Region na nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang DepEd Davao City Division.