Advertisers

Advertisers

PANTAY NA PANANAGUTAN, DAPAT ISABAY SA KARAPATAN

0 5

Advertisers

Muling nabuksan ang usapin tungkol sa pananagutan ng mga halal na opisyal matapos isulong ni Sen. Tito Sotto ang panukalang pagbawalan ang mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials na may nakabinbing administrative o criminal cases na patuloy na gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Sa ilalim ng panukala, ang incumbent barangay at SK officials na may anumang nakabinbing kaso na isinampa alinsunod sa batas at mga umiiral na issuances ay awtomatikong mapipigilang gampanan ang kanilang aktibong tungkulin o makinabang sa holdover capacity habang dinidinig ang kanilang kaso.

May punto ang panukala ni Sotto, lalo na kung ang layunin ay mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga opisyal ng barangay. Malaki ang papel ng barangay sa araw-araw na buhay ng mga mamamayan, kaya mahalagang ang mga namumuno rito ay may kredibilidad at hindi nasasangkot sa mga kasong maaaring makaapekto sa kanilang tungkulin.

Ayon kay Sotto, sa 149 lungsod, 1,493 munisipalidad at 42,011 barangay sa bansa, halos walang lungsod o munisipalidad na walang barangay official na nahaharap sa kaso.

Dito makikita kung gaano kalawak ang problemang nais tugunan ng senador.

Ngunit kasabay nito, kailangang maging maingat sa pagpapatupad ng anumang batas na maaaring magtanggal o magsuspinde sa tungkulin ng isang halal na opisyal.

Hindi sapat na may isinampang kaso upang agad ituring na guilty ang isang tao. May presumption of innocence ang bawat akusado at may karapatan siyang marinig at maipagtanggol ang kanyang sarili sa tamang proseso ng batas.

Kaya kung maisasabatas ang panukala, dapat malinaw kung anong uri ng kaso ang saklaw, sino ang magdedesisyon sa suspensyon, at anong proseso ang susundin upang hindi ito magamit sa personal o pulitikal na paghihiganti.

Mahalaga ring tiyakin na hindi basta-basta maisasampa ang mga reklamo laban sa isang opisyal para lamang siya mapatalsik o mapigilang gampanan ang kanyang mandato.

Kung sapat na ang simpleng pagsasampa ng kaso para awtomatikong maalis sa tungkulin ang isang halal na opisyal, maaari itong maging instrumento ng harassment at political maneuvering.

May katwiran din si Sotto sa kanyang pahayag na, “Hindi pwedeng ma-holdover hanggang 2028 kung may kaso ka.”

Gayunman, dapat itong timbangin laban sa karapatan ng isang halal na opisyal na manatili sa puwesto hangga’t hindi napapatunayang nagkasala, depende sa uri at bigat ng kasong kinakaharap.

Aba’y sa kabilang banda, hindi rin dapat maging dahilan ang holdover provision upang makaiwas sa pananagutan ang isang opisyal. Ang serbisyo publiko ay hindi dapat maging panangga laban sa imbestigasyon o paglilitis. Malinaw na parehong mahalaga ang dalawang prinsipyo: pananagutan at due process.

Dapat managot ang mga opisyal na mapapatunayang lumabag sa batas, ngunit hindi rin dapat parusahan ang isang tao dahil lamang sa isang alegasyon na hindi pa napapatunayan.

Kung talagang nais linisin ang hanay ng mga barangay at SK officials, dapat tiyakin na ang panukala ay patas, malinaw at hindi namimili. Ang layunin ay hindi lamang alisin sa puwesto ang mga opisyal na may kaso, kundi tiyaking ang mga namumuno sa pinakamababang antas ng pamahalaan ay may integridad, habang iginagalang pa rin ang mga karapatang ginagarantiyahan ng batas.

Sa ganitong paraan, sabi nga, ang reporma ay hindi magiging simpleng pagpapalit ng mga opisyal, kundi isang hakbang tungo sa mas maayos, responsable at mapagkakatiwalaang pamahalaang barangay.

***

Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.