Advertisers
BUKOD sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. magkakasa rin ng SONA ng Sambayanan 2026 ang Inter-religious Leader’s Council for National Transformation (IRLCNT) at White Ribbon Movement sa Lunes, July 27 sa Quezon City.
Kabilang sa ipapanawagan ng mga grupo sa gobyerno ay ang mabigyan ng sapat at nakabubuhay na sweldo ang mga manggagawang Pilipino, de-kalidad na edukasyon, mababang presyo ng bilihin, at murang pabahay.
Kabilang din sa kanilang ihihirit ay ang libreng serbisyong pangkalusugan, pagpapanagot sa batas ng mga korap, gawing prayoridad ang kapakanan ng taumbayan sa pambansang pondo, at pagsasabatas ng Anti-Political Dynasty Bill.
Ayon sa grupo, isang taon na ang lumipas mula nang sumambulat ang flood control scam, pero iilan lang ang nakasuhan.
Dagdag pa nila, nararapat lang na litisin si Vice President Sara Duterte dahil sa pagwawaldas ng mahigit P600 million confidential at intelligence funds, panunuhol sa mga Department of Education (DepEd) Officials, pagkakaroon ng lihim na yaman, at pagbabanta sa buhay ng pangulo.
Ayon sa grupo, kailangan ding mapanagot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa ilalim ng kaniyang administrasyon ninakaw ang mga pondo na dapat ay tulong sana para sa mga magsasaka, manggagawa, estudyante, mga nurse, at iba pa.