Advertisers
ITURING si Risa Hontiveros bilang kampeon at pangunahing tagapagtaguyod ng kapakanan sa bansa ng uring “iba” ang tingin sa sarili pagdating sa kasarian, o ang tinatawag na LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, transsexual, queer/questioning, intersex, asexual/aromantic, plus other identities).
Hindi tomboy o lito sa kasarian si Risa pero hindi hadlang ang pagiging “normal” upang tumayo siya sa isyu na pinangingilagan ng maraming mambabatas. Bumaybay si Risa sa teritoryo na tahasang iniiwasan ng marami sa hanay niya.
Sa mga mambabatas, tanging si Risa ang nagpahayag ng walang pasubaling pagkampi at unawa sa mga taong kabilang sa uring iba. Tulad ng ina na nagmamahal sa mga anak, wala siyang inilatag na kondisyon at hinihinging kapalit sa pagtayo niya para sa kanila.
Sa kanya, hindi dapat pagkaitan ng pagmamahal at karapatan ang mga tao na iba ang pagtingin sa sarili pagdating sa isyu ng kasarian.
Lumaki, nagkaisip, at nag-aral si Risa sa paaralang ari ng Simbahang Catolica. Mula grade skul hanggang kolehiyo, nanatili sa St. Scholastica’s College si Risa. Lumaki siya sa konserbatibong kapaligiran. Lumaki at nag-aral sa ilalim ng kandili ng mga madre.
Ngunit naging aktibista si Risa. Pinaboran niya ang turo ng ibang pari at madre na kumiling ang aktibong pakikilahok sa mga pangunahing usapin ng bansa. Sa maikli, natutunan ni Risa ang kabilang mukha ng konserbatibong Simbahan. Ito ang tinawag na “theology of liberation,” o teolohiya ng pagpapalaya.
Sa paaralan ng mga madre mismo natutuhan ni Risa ang makisangkot sa mga isyu ng bansa at ipaglaban ang karapatan ng mga naiiwan at nasa laylayan ng lipunan. Kasama sa kanila ang mga iba ang tingin sa sarili.
Hindi nakakapagtaka na hindi siya nahirapan na intindihin at tanggapin ang ang pangaral ni Santo Papa Francisco na hindi dapat itakwil ang mga taong kabilang sa uring LBGQTIA+ dahil “anak din sila ng Diyos.”
Ito ang paniniwala na pinanghahawakan ni Risa sa kanyang pagtayo sa kanilang kapakanan.
Si Risa ang pangunahing may-akda ng Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill. Inihain niya ito sa bawat Kongreso na kasapi siya – 17th, 18th, 19th, and ngayon sa 20th Congress. Inihain niya uli ito noong ika-1 ng Hulyo, 2025. Itinuturing ito na flagship bill niya.
Kasama sa kanyang panukalang batas ang pagbabawal na pagkaitan ng karapatan at pribilehiyo ang sinuman na kabilang sa LGBTQIA+ sa trabaho, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, pabahay, serbisyo publiko, at iba pa.
Hindi maaaring ipagkait sa kanila ang karapatan ng isang mamamayan batay sa ang kanilang sexual orientation, gender identity, gender expression, sex characteristics (SOGIESC).
Ipinagbabawal ng panukalang batas ang ipagkait ng karapatan na magamit ang palikuran (toilet) dahil sa gender identity. Isa iyong isyu na tinayuan ni Risa nang posasan noong 2019 ng isang sekyu ang isang transwoman na nangangalang Gretchen Diez dahil ginamit niya ang palikuran pambabae sa Farmers Plaza sa Cubao Commercial District sa Quezon City.
Tumayo si Risa at nagtalumpati siya sa bulwagan ng Senado at ipinagtanggol niya ang tinawag niya na karapatan ni Diez.
Kinondena ni Risa ang panggigipit at panunuwag sa mga kabilang sa uring LGBTQIA+. Hindi siya kumporme sa pagsipa sa kanila sa trabaho at pagtanggi na bigyan ng serbisyo pangkalusugan. Hindi hangad ng kanyang panukalang batas na bigyan ng kakaibang pribilehiyo ang mga tao sa kabilang sa uri na iyan, aniya. Hangad lang na protektahan sila ng batas, aniya.
“The bill does not create special rights, it guarantees equal rights already in Constitution,” ani Risa. Hindi isinusulong ng kanyang bill ang same-sex marriage, paglilinaw niya.
Ang SOGIE bill ay hindi tungkol sa same-sex marriage. Iba ito at hiwalay na isyu. Sinabi niya na sinusuportahan niya Civil Union Bill para sa magkasama ng pareho ang kasarian. Hiningi niya sa mga kasamang mambabatas na suportahan ang SoGIE bill na mahigit isang dekada na niya isinusulong sa Kongreso.
Aminado si Risa na mahihirapan siya kumuha ng suporta sa Kongreso. Ngunit naniniwala siya na nagbabago ang panahon at maaaring makumbinsi niya ang mga kasamang mambabatas sa hinaharap. Ngayon, mas mahalaga na manatiling buhay ang isyu.
***
NAWASAK ang reputasyon ng magkapatid na Cawatano sa Senado. Hindi naniniwala sa kanila kahit mga kasama nilang senador. Noong tumayo sila sa Senado upang ibigay ang kanilang Contra SONA, hindi sila pinagtiyagaan pakinggan ng mga kasamang senador.
Naglayasan ang mga senador at tanda ito ng kawalan ng respeto sa kanila. Hindi namin kung may natitirang dangal at paggalang sa sarili ang magkapatid na mambabatas. Wala silang hatak sa Senado dahil halata na mga aso sila ni Misfit Sara.