Dingdong Dantes gustong subukan ang coaching style nina Yeng Constantino at Gloc-9 sa ‘The Voice Kids’
Advertisers
By Anne Venancio
Mas magiging kapana-panabik ang pagbabalik ng “The Voice Kids” sa GMA dahil bukod sa muling pagho-host ni Dingdong Dantes, makakasama rin sa coaching panel ang dalawang respetadong OPM artists na sina Yeng Constantino at Gloc-9.
Ayon kay Dingdong, malaking dagdag ang presensya nina Yeng at Gloc-9 sa kompetisyon dahil sa kanilang natatanging estilo at malawak na karanasan sa industriya ng musika. Makakasama nila ang nagbabalik na coach na si Julie Anne San Jose sa paggabay sa susunod na henerasyon ng mahuhusay na batang mang-aawit.
Sa panayam ni Athena Imperial sa 24 Oras, ibinahagi ni Dingdong ang kanyang paghanga sa dalawang bagong coaches.
“Alam naman natin ang mga hit songs ni Yeng Constantino at kung gaano siya ka-influential sa Filipino pop culture. Excited akong makita kung paano niya magagabayan ang mga bata. Si Coach Gloc-9 naman, kakaiba ang husay sa pagsusulat at pagiging makata. Sigurado akong marami ring matututunan sa kanya ang contestants,” ani Dingdong.
Dagdag pa ng Kapuso Primetime King, higit pa sa kompetisyon ang hatid ng programa sa mga kalahok.
“Makapag-perform man sila sa harap ng milyon-milyong tao at makuha man o hindi, malaking bagay ang experience na ito sa paghubog ng kanilang karakter at pagtupad sa kanilang mga pangarap,” aniya.
Mapapanood na rin sa bagong season ng “The Voice Kids” ang isang journey host na maghahatid ng mga behind-the-scenes moments at personal na kuwento ng mga young contestants bago ito ipalabas sa GMA.