Advertisers
Hindi lingid sa ating kaalaman na dekada nang nararanasan o nagdurusa araw-araw ang milyong pangkaraniwan komyuter. Alam niyo naman na ang mga kalsada natin sa bansa ay nagiging pook ng pakikipagsapalaran dahil sa takot sa mga kaskaserong drayber, ang pangamba sa nasisirang bus sa gitna ng biyahe, at ang nakakabuwisit na mga terminal na masasabing hindi “friendly”.
Marami nang komyuter ang nagreklamo sa pamahalaan hinggil sa mga nabanggit – ngunit maituring sayang lang sa oras.
Pero ibahin natin ang situwasyon ngayon. Bakit naman? Nito kasing mga nagdaang buwan ng 2026, may malaki nang pagbabago at ramdam na ramdam na ito mismo ng taumbayan.
Sa ulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), umabot sa 622 mula sa 720 Show Cause Orders (SCOs) ang matagumpay na naresolba mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon. Ang 86.3% resolution rate na ito ay hindi lang basta numero sa panloob na ulat ng ahensya kung hindi patunay na may mga tiwaling gawain at peligro sa kalsada na tinuldukan ng ahensya.
Siyempre ito ay bunga ng mabilis na aksyon ng LTFRB para sa proteksyon ng mga komyuter.
Sa ilalim ng pamumuno ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, pinatutunayan ng ahensya na kayang sabayan ng pampublikong serbisyo ang bilis ng pangangailangan ng mamamayan. Hindi na kailangang maghintay ng taon para lang maparusahan ang isang lumabag na operator.
Base sa talaan ng LTFRB kaugnay sa mga naresolbang kaso, may 127 kaso ng aksidente sa kalsada ang naresolba bunga ng mabilis na pag-iimbestiga at pagpapataw ng parusa sa mga sangkot sa aksidente kung saan ay nakamtam ng mga biktima ang katarungan.
Sa paglabag naman sa prangkisa/CPC – may 389 kaso ang naitala. Dito ay sineguro ng ahensya na sinusunod ng mga operator ang mga patakaran ng kanilang prangkisa upang matiyak ang mataas na kalidad ng biyahe.
Kung pag-uusapan naman ang hinggil sa reklamo at operasyon sa kalsada at terminal, umabot naman sa 106 kaso na naresolba – – ang pag-ayos sa mga terminal at paghuli sa mga lumalabag habang nasa biyahe – dito ay ramdam naman ang presensya ng LTFRB sa kalsada.
Kaugnay nito, ipinaalala ni Mendoza ang isang mahalagang prinsipyo – ang pamamasada at pagmamay-ari ng PUV ay isang pribihiyo at hindi isang likas na karapatan. Kapag ang isang operator ay nagpabiyahe ng sirang sasakyan o kumuha ng drayber na walang pakialam sa buhay ng pasahero, binabawi nila ang karapatang iyon.
Target naman ng LTFRB ang “zero backlog” kung saan ito ay isang pamantayang dapat tularan ng iba pang ahensya ng pamahalaan. Pinakikita lamang dito na kapag may political will at maayos na sistema, hindi kailangang maging mabagal ang hustisya at serbisyo publiko.
Siyempre, sa ipinamalas na aksyon mabilis ng LTFRB para sa kapakanan ng milyon mananakay, nararapat lamang saluduhan at pasalamatan ng publiko ang mga nasa likod ng matagumpay na kampanya sapagkat sa mga aksyong ito, natitiyak ang seguridad ng mga komyuter sa bansa.