Advertisers

Advertisers

Villar isinusulong ang tax exemption para sa MSMEs

0 3

Advertisers

Pasay City — Naghain si Senador Mark A. Villar ng Senate Bill No. 2362 na naglalayong i-exempt ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pagbabayad ng Minimum Corporate Income Tax (MCIT), bilang bahagi ng pagsisikap na mabawasan ang kanilang pasanin sa buwis at mapalakas ang kanilang kakayahang lumago at makalikha ng mas maraming trabaho.

Ayon sa pinakahuling datos, ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) ay bumubuo ng higit sa siyamnapu’t siyam (99.63%) na porsiyento ng lahat ng rehistradong negosyo sa bansa noong 2024. Ang sektor na ito rin ay nag-aambag ng higit sa tatlumput limang ( 35.7%) porsiyento sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas at nagbigay ng trabaho sa higit sa anim napu’t tatlong (63.19%) porsiyento ng kabuuang lakas-paggawa ng bansa, dahilan upang ito ay maging isa sa pinakamalalaking pinagmumulan ng trabaho at aktibidad pang-ekonomiya sa Pilipinas.

Gayunman, sinabi ni Villar na patuloy na hinaharap ng mga MSMEs ang pagtaas ng gastos sa produksyon, mataas na inflation, at iba pang hamon sa ekonomiya. Lalo pa itong pinalala ng pag-akyat ng inflation sa higit 7.2 porsyento noong Abril 2026 kasunod ng pagdedeklara ng national energy emergency, na nagdagdag sa pasanin ng maliliit na negosyong may limitadong puhunan.

“Ang ating mga MSMEs ang isa sa mga bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas. Sila ang nagbibigay ng kabuhayan sa milyun-milyong Pilipino, nagpapasigla sa mga lokal na industriya, at nagpapatakbo sa ating mga komunidad. Sa pamamagitan ng makabuluhang tax relief at exemption sa pagbabayad ng Minimum corporate Income Tax, mabibigyan natin sila ng mas malaking pagkakataong palaguin ang kanilang negosyo, makalikha ng mas maraming trabaho, at mas mapalakas pa ang ating ekonomiya,” ani Villar.

Upang matugunan ang mga hamong ito, inihain ni Villar ang Senate Bill No. 2362 na mag-aamyenda sa National Internal Revenue Code upang ma bigyang eksempsyon sa Minimum Corporate Income Tax ang mga kuwalipikadong MSMEs na kinikilala sa ilalim ng Magna Carta for MSMEs. Layunin din panukala na mabawasan ang kanilang gastusin sa buwis upang mas maraming pondo ang mailaan sa pagpapalawak ng negosyo, inobasyon, at paglikha ng trabaho, habang pinatitibay ang kanilang katatagan at kakayahang makipagsabayan sa iba pang industriya sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya.

“Kapag mas umuunlad ang ating maliliit na negosyo, mas maraming Pilipino ang nagkakaroon ng trabaho, mas lumalakas ang ating mga lokal na ekonomiya, at mas dumarami ang oportunidad para sa bawat pamilya. Ang panukalang ito ay isang konkretong hakbang upang mabigyan ng mas malaking pagkakataong umunlad ang ating mga negosyante at matiyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ay mararamdaman sa bawat komunidad,” dagdag pa ni Villar.

Umaasa ang senador na ang panukala ay magbibigay ng kinakailangang ginhawa sa mga MSMEs upang mapalawak ang kanilang operasyon, mapataas ang kanilang produktibidad, at patuloy na magsilbing mahalagang tagapagtaguyod ng inklusibo at pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.