Advertisers
Pasay City — Naghain si Senador Mark A. Villar ng Senate Resolution No. 564 na nagbibigay-pugay at pagbati sa Filipina tennis star na si Alexandra “Alex” Maniego Eala matapos nitong masungkit ang kampeonato sa 2026 Mubadala DC Open, bilang kauna-unahang Pilipinong propesyonal na tennis player na nagwagi sa isang Women’s Tennis Association (WTA) 500 Tour singles title.
Kinikilala ng resolusyon ang pinakabagong makasaysayang tagumpay ni Eala matapos niyang talunin ang ilan sa pinakamahusay na manlalaro sa mundo sa kanyang pagmartsa patungo sa kampeonato, kabilang sina Olympic champion Zheng Qinwen, defending champion Leylah Fernandez, World No. 10 Elina Svitolina, dating World No. 1 Naomi Osaka, at World No. 3 Jessica Pegula sa isang kapanapanabik na three-set championship match.
Dahil sa kanyang panalo, umakyat si Eala sa World No. 20, ang pinakamataas na ranggong naabot ng isang Filipina sa kasaysayan ng WTA at lalo pang pinagtibay ang kanyang puwesto sa hanay ng pinakamahuhusay na tennis players sa buong mundo.
“Vamos, Alex! Ang tagumpay mo ay patunay na world-class ang atletang Pilipino. Isa ka nang kampeon, ngunit naniniwala akong marami ka pang maaabot. Kapag lumago, hindi na hihinto. Patuloy kang mangarap, magsikap, at ipagmalaki ang Pilipinas sa bawat laban,” ani Villar.
Ayon sa senador, ang kahanga-hangang pag-angat ni Eala ay bunga ng maraming taong sipag, disiplina, at tiyaga. Aniya, ang kanyang mga tagumpay ay nagbibigay ng inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga Pilipino na mangarap nang malaki at maniwalang kaya rin nilang makipagsabayan sa pinakamahusay sa mundo.
Sa murang edad na 21, muling isinulat ni Eala ang kasaysayan ng tennis sa Pilipinas. Siya ang kauna-unahang Pilipinong nagkampeon sa Grand Slam junior singles noong 2022, ang unang Pilipino sa Open Era na nagwagi sa isang Grand Slam main-draw singles match, isang Asian Games medalist, Southeast Asian Games gold medalist, at ngayon ay ang kauna-unahang Pilipinong WTA Tour singles champion.
Pinuri rin ni Villar ang karakter ni Eala, na aniya’y higit pang nagpapatibay sa kanyang pagiging huwaran ng kabataang Pilipino.
“Ang higit na kahanga-hanga kay Alex ay ang kanyang karakter. Sa bawat panayam at pagharap sa publiko, makikita ang kanyang kababaang-loob, paggalang sa kanyang mga katunggali, at pagmamalaki sa Pilipinas. Patunay ito na isa siyang huwarang atleta at mabuting mamamayan,” ani Villar.
Ipinahayag din ng senador ang kanyang paniniwala na ang makasaysayang tagumpay ni Eala ay simula pa lamang ng mas marami pang kampeonatong mapapanalunan sa hinaharap.
“Napakarami mo nang naabot, ngunit naniniwala akong simula pa lamang ito. Inaasahan naming mas marami ka pang mapapanalunang titulo at, balang araw, maiuuwi mo rin ang isang Grand Slam championship para sa Pilipinas. Ang buong sambayanang Pilipino ay nasa likod mo at ipinagmamalaki ang bawat tagumpay na iyong nakakamit. Congratulations, Alex, at vamos!” pagtatapos ni Villar.