Advertisers
By Camille Guarin
Bukod sa kanyang girlfriend na si Ashley Ortega, ibinahagi ng aktor na si Miguel Tanfelix ang kanyang top 3 na pinakamagagandang Pinay actress sa isang panayam.
Ayon kay Miguel, ang kanyang mga napili ay sina Marian Rivera, Kristine Hermosa, at Mylene Dizon.
Nang tanungin kung bakit sila ang kanyang mga choice, sinabi niyang si Marian Rivera ang kanyang number one dahil sa tingin niya ay napakaganda nito. Samantala, inilarawan naman niya si Kristine Hermosa bilang may “classic beauty.” Si Mylene Dizon naman ay napili niya dahil aniya ay medyo magkahawig ito at ang kanyang mommy.
Well, maganda talaga ang taste ni Miguel pagdating sa mga babae.
***
Ibinahagi ng beteranong aktres na si Nova Villa ang kuwento kung paano siya nadiskubre ng yumaong Fernando Poe Jr. (FPJ), na naging simula ng kanyang matagumpay na karera sa industriya ng showbiz.
Sa pag-guest niya sa podcast na Your Honor nina Chariz Solomon at Buboy, ibinahagi ni Nova na si FPJ mismo ang nakakita sa kanya at nagbigay ng pagkakataong maging artista.
Ayon kay Nova, nangyari ito noong siya ay 14 o 15 taong gulang pa lamang. Madalas siyang samahan ng komedyanteng si Chichay, na kapitbahay nila sa Sampaloc, sa tanggapan ng Premier Productions, kung saan naniningil ito ng suweldo.
“Iniwan niya ako sa canteen habang naniningil siya. Nakaupo lang ako noon at tuwing may pumapasok sa gate, sumisilip ako dahil baka may makitang artista,” kuwento ni Nova.
Isang araw, may pumasok na puting Cadillac na minamaneho mismo ni FPJ.
“Nang tumingin ako, si Fernando Poe Jr. pala mismo ang nagda-drive. Napatingin din siya sa akin. Ako ang nahiya. Ang gwapo niya kasi,” natatawang pagbabalik-tanaw ng aktres.
Makalipas ang ilang sandali, bumalik si Chichay kasama ang production manager ni FPJ na si Mr. Ben.
“Sinabi ni Chichay, ‘Nova, ito si Mr. Ben, production manager ni FPJ. Tinatanong ka kung gusto mong mag-artista.'”
Dahil mahiyain noon, hindi agad alam ni Nova ang isasagot. Lalo siyang nagulat nang sabihing kinabukasan na agad ang shooting.
“‘Bukas ang shooting,’ sabi nila. Nagtaka ako at tinanong ko, ‘Ano po ang gagawin ko? Ano ang role ko?'”
Ipinaliwanag sa kanya na gaganap siyang kapatid ni Jay Ilagan at magkakaroon ng karakter na magugustuhan ni FPJ.
“‘Shock to death!'” natatawang sabi ni Nova. “Tulala na lang ako.”
In fairness kay Nova Villa, maganda siya at natural ang kanyang pagiging komedyante, kaya madaling mahalin ng mga manonood.