Advertisers

Advertisers

DEPENSA DINI-DELAY ANG SARA TRIAL – TOLOSA

0 6

Advertisers

NAGBABALA ang private prosecutor na si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa, Jr. sa panibagong pagkaantala sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte matapos imungkahi ng depensa na sa Agosto 14 pa ihambing ang libo-libong dokumento kaugnay ng P612.5 milyon na confidential funds na umano’y maling nagamit.

Ayon kay Tolosa, legal spokesperson at counsel ng House prosecution panel, iniutos mismo ni Senate impeachment court presiding officer Sen. Francis Escudero ang paghahambing ng mga dokumento upang mapabilis ang paglilitis.

Dapat aniya itong maisagawa bago ang nakatakdang pagpapatuloy ng testimonya ni Commission on Audit (COA) State Auditor Xylene Mae del Campo.

“Unfortunately, ang sagot sa amin, August 14. What purpose would that serve? Dahil today nga naka-schedule dapat ‘yan,” ani Tolosa sa isang press briefing.

Nagmumula ang court-ordered comparison sa mga nakaraang pagdinig hinggil sa libo-libong liquidation documents na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) bilang patunay sa paggamit ng kanilang confidential funds.

Nauna nang tumestigo si COA State Auditor Roderick Wamil, na nagsagawa ng audit sa confidential funds ng OVP at DepEd, hinggil sa liquidation records at mga natuklasan sa audit.

Si Del Campo naman, na pumalit kay Wamil matapos itong umalis sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) noong 2024, ang ipinatawag upang ipagpatuloy ang pagtalakay sa documentary trail at mga bagay na hindi personal na nalalaman ni Wamil.

Sa testimonya ni Del Campo, naging sentro ng atensyon ang 845 acknowledgment receipts na isinumite ng OVP bilang suporta sa liquidation ng P125 milyon confidential funds na ginastos mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022 – o sa loob lamang ng 11 araw.

Tumanggi ang depensa na itakda bilang stipulation ang authenticity ng 845 resibo, kaya lumitaw ang tanong kung tugma ang mga kopyang hawak ng prosekusyon sa mga orihinal na dokumentong isinumite ng OVP sa COA.

Upang hindi na kailangang kilalanin at patunayan ang bawat resibo nang isa-isa, iniutos ng presiding officer na magharap ang prosekusyon at depensa sa harap ng clerk of court upang paghambingin ang kani-kanilang kopya.

Layunin ng paghahambing na matukoy kung alin sa mga dokumento ang maaaring ituring na common exhibits at upang mapabilis ang pagpapatuloy ng testimonya ni Del Campo.

“Ito ay direktiba mismo ng presiding officer sa dalawang panig para mapabilis ang paglilitis, partikular ang pagkilala sa libu-libong dokumento na liquidation reports,” ani Tolosa.

Aniya, sa ganitong paraan, kapag muling humarap si Del Campo para ipagpatuloy ang kanyang direct examination, hindi na kailangang isa-isahin pa ang mga dokumento.

Sinabi ni Tolosa na ilang beses nang nakipag-ugnayan ang prosekusyon sa depensa upang maisagawa ang paghahambing bago muling humarap si Del Campo sa witness stand, ngunit sinabi ng depensa na Agosto 14 lamang sila available.

Ipinaliwanag ng depensa na ang naturang petsa ay batay sa availability ng kanilang mga abogado at noong nakaraang Miyerkules lamang inilabas ang direktiba para sa paghahambing ng mga dokumento.

Kinuwestiyon ito ni Tolosa, at binanggit na 16 abogado ang pormal nang humarap bilang counsel ni Duterte at hindi naman kinakailangang buong defense team ang dumalo para lamang sa document comparison.

“Hindi naman kailangan buong team sumama diyan para lang magkumparison ng documents,” ani Tolosa.

Dagdag pa niya, “I’m sure they don’t want to make it appear that they’re not prioritizing the impeachment case of the Vice President.”

Bagama’t hindi direktang inakusahan ni Tolosa ang depensa na sinasadyang patagalin ang paglilitis, sinabi niyang nagreresulta sa delay ang kanilang mga ginagawa.

“Ayaw kong sabihin na sinasadya nila na i-delay itong proceedings na ito. But nagiging malinaw, magmula doon sa actions nila doon sa pre-trial, pati nakita naman natin doon sa pagpresenta kay Atty. Wamil and kay Xylene, itong ginagawa nila, sinasadya man o hindi, nakaka-cost talaga ito ng delay,” ani Tolosa.

Plano sanang ihayag ng prosekusyon ang usapin sa pagdinig nitong Lunes, ngunit nakansela ang proceedings dahil sa masamang panahon.

“We were supposed to do it during the hearing today, but since it got canceled, so we’ll probably raise it tomorrow,” ani Tolosa.

Sinabi niyang ilalahad nila ang isyu sa open court dahil ang direktiba para sa paghahambing ng mga dokumento ay mismong inilabas ng presiding officer habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Ang P612.5 milyon na sinusuri ay binubuo ng P500 milyon confidential funds na inilabas sa OVP mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023, at P112.5 milyon na inilabas sa DepEd noong 2023 habang kalihim pa ng edukasyon si Duterte.

Nakatanggap ang OVP ng P125 milyon Disyembre 2022 at karagdagang P125 milyon sa bawat unang tatlong quarter ng 2023. Samantala, nakatanggap ang DepEd ng P37.5 milyon sa bawat unang tatlong quarter ng 2023.

Ang umano’y maling paggamit sa P612.5 milyon confidential funds ang sentro ng unang impeachment charge laban kay Duterte.

Ayon sa mga prosekutor, pinahintulutan at pinangasiwaan mismo ng Bise Presidente ang kwestyonableng paggamit at liquidation ng mga pondo, kabilang ang mga gastusing sinuportahan ng kahina-hinalang acknowledgment receipts, mga pinaghihinalaang kathang-isip na recipient, at mga transaksiyong sinabi ng mga auditor na walang sapat na patunay na matagumpay na naisagawa ang mga confidential operation.

Iginiit ng prosekusyon na hindi maaaring ilayo ni Duterte ang sarili sa mga kinukuwestiyong disbursement dahil bilang pinuno ng OVP at noon ay DepEd, siya ang direktang at pangunahing responsable sa mga pondo at may tungkuling tiyakin ang wastong paggamit at liquidation ng mga ito.