Advertisers
BIGYAN muna natin ng daan itong reklamo ng mga taga Montalban (Rodriguez Rizal) kaugnay sa maanomalyan umanong flood control project sa lugar.
Dahil sa ilang araw na malakas na pag-uulan dala ng Habagat nawasak umano ang bahagi ng dike sa Montalban, Rizal.
Kaya usap-usapan ngayon sa nabanggit na bayan ang mga tanong tungkol sa kalidad ng proyekto at paggamit ng pondo.
Ang nawasak na flood control project ay matatagpuan umano sa riverside Barangay San Jose, (Montalban) Rodriguez, Rizal na nais nilang masilip ni DPWH Sec Vince Dizon.
Ano kaya ang masasabi dito nina DPWH-Region-4A Regional Director Carolina Pastrana at DPWH Rizal 2nd District Engineer Juan “Jhonny” Panganiban sa hinaing ng mga residente sa palpak na flood control project?
Ayon sa ilang residente, kitang-kita nila ang nawasak na dike na walang anumang bakal — kaya agad itong nawasak sa hagupit ng Bagyong Maymay.
Ang tanong: Bukod sa mga opisyal ng DPWH sino ang Kontraktor nito at paano ito nakakalusot sa lokal na pamahalaan ng Rodriguez upang may managot sa substandard na proyekto?
Opinyon kulang, dapat tanggalan ng lisensya ang kontratista at kasuhan ang mga opisyal ng DPWH na nakikipag sabwatan kung mapatutunayang may sabwatan.
Naniniwala din ang ilang eksperto na limpak-,limpak ang kickback o suholan ang tunay na ugat ng palpak na flood control project sa Montalban.
Binawasan ang pondo kaya hindi nagamit ang dekalidad na materyales — dahil bukod sa walang bakal, lupa ang ilalim na mistulang tinapalan lamang ng semento — puro “hilamos” lamang ang ginawa upang magmukhang matibay.
Kumita ng milyon-milyong piso sa suhol habang palpak ang proyekto!
Sino-sino kayang opisyal ang nagkamal ng limpak-limpak na komisyon at partihan ng bawat isa?
Tutukan natin!
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09368625001/09397177977 o di kaya mag email balyador69@gmail.com